SI Engr. Dante Yglopaz, 84, na lang ang buhay na kasapi ng Scarborough survey nu’ng Marso 1961. Kinontrata ng U.S. Army Map Service-Far East ang kumpanya ni geodetic engineer Felipe F. Cruz para kalkulahin ang eksaktong lokasyon ng shoal. Apat sila sa ekspedisyon: team leader at documenter Cruz, radioman Victor Henry Baledia ng Negros Oriental, astronomer Felipe Caddauan ng Ilocos at assistant astronomer Yglopaz.
Dinala sila sa Scarborough ng barkong Pathfinder ng Geodetic Survey Bureau sa ilalim ni Captain Frisbitero at sampung crew. Lumayag sila mula sa North Harbor, Binondo, Manila. Dalawang araw at isang gabi ang biyahe.
Dumaong sila sa labas ng shoal at nag-bangkang de sagwan ang apat patungo sa batuhan. May kongkretong marker doon, cylindrical parang muhon sa boundary ng lote. Dalawampung sentimetro ang diameter nito at 15 sentimetro ang nakalawit sa batong pinagbaunan. Nakaukit sa plakang tanso sa ibabaw ang “USAMSFE”.
Sagisag ‘yon na teritoryo ng Pilipinas ang Scarborough. Walang pinagkaiba sa muhon na may tatak na “BL” (Bureau of Lands), opisyal na nagtatakda ng awtoridad ng estado sa lupa.
Sa gilid ng marker ay may lumang steel-frame shed, yerong bubong at sahig na tabla ang U.S. Army. Sa makipot na espasyo nagtrabaho ang apat nang isang linggo. Sa araw kino-compute sa mechanical adding machine ang mga kalkulasyon nila mula sa bituin sa gabi. Iba pang kagamitan: chronograph, chronometer, radio, mga baterya ng truck, kisonolya at sulong Petromax.
“Wala kaming natanaw na lighthouse,” kuwento ni Yglopaz sa Sapol-dwIZ. “Walang patrolyang Pilipino o Amerikano. Walang mangingisda. at lalong walang patrolyang Chinese; ngayon lang naman nila inaangkin ang Scarborough.” Nakaukit sa kasaysayan ang expedition nina Yglopaz. (Itutuloy bukas)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).