Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
NU’N pang 2012 binisto ng National Geographic magazine ang panlalaspag ng mga mangingisdang Chinese sa South China Sea. Pinapasok ng Chinese trawlers ang exclusive economic zones ng Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines at Vietnam. Bawat trawler ay kayang humakot ng 72 toneladang pagkaing dagat araw-araw. Binabangga pa ng Chinese steel trawlers ang mga bangkang kahoy ng ibang bansa.
Ngayon hanggang Ghana at Senegal sa West Africa ay nagnanakaw ng isda ang Chinese fishing fleets. Binibigyan sila ng Chinese government ng kagamitan at armas para tawirin ang distansiyang 12,250 nautical miles hanggang Atlantic Ocean. Sa EEZs ng dalawang bansa bawal ding mangisda ang dayuhan. Nirerehistro ng Chinese ang trawlers nila na kunwari’y pag-aari ng mamamayan ng Ghana at Senegal. Ibinebenta ang maliliit na huling isda sa mga local na palengke. Inuuwi sa China ang tuna, sailfish, mackerel at tanigue.
Tulad sa West Philippine Sea kung saan namumulubi ang maliit na mangingisda, nagugutom ang mga taga-tabing dagat sa Ghana at Senegal. Pare-parehong korap ang mga pinuno nila. Nagpapasuhol sa Chinese para talikuran ang karapatan at benepisyo ng mamamayan.
Tumatawid din ang Chinese trawlers sa Pacific Ocean. Pinapasok ang mayayamang dagat ng Palau at Papua New Guinea. Ine-escort sila ng Chinese Coast Guards kasi kumakasa ang dalawang bansa.
Hanggang sa Galapagos EEZ ng Ecuador umaabot ang Chinese poachers. Pati hammerhead shark at balyena ay hinuhuli ng 600 trawlers. Ibinebenta sa specialty restaurants sa Shanghai, Hong Kong at Macau. Labag sa international law ang paghuli at pagbenta ng endangered na pating at balyena. Pero namimihasa ang Chinese sa IUU—illegal, unreported, unregulated fishing. Pati kakamping North Korea ay binubusabos ng Chinese poachers. Nakunan ng satellite ang 900 trawlers na humahakot ng pusit. Walang respeto ang Beijing sa kalikasan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).