SAMPUNG milyon ang overseas Filipino workers. Limang milyon ang overseas Filipinos – mga dating mamamayan na nag-iba nang citizenship mula sa pag-aasawa o immigration; hindi pa kabilang ang mga anak nila.
Kahit saan dumadagsa ang Pilipino, bitbit ang masasamang ugali. Sa Middle East may huweteng lords dahil maraming mananaya. Sa Southeast Asia maraming sindikato na mandurukot at online scammers. Binibiktima nila ang mga turistang kapwa-Pinoy.
Sa Los Angeles may magkatabing sikat na restaurants. Ang parking lot, halaman at basurahan ng American fast-food chain ay palaging malinis. Ang Filipino fried chicken chain ay makalat. Umaapaw at mabaho ang basurahan. Sa halaman nakasabit ang mga gamít na napkins at basyong plastic na baso.
Sa Philippine Consulates nag-uunahan sa pila ang mga tao. Hindi nahihiya, hindi nagbibigayan. Asal patay-gutom.
Hindi ‘yan dahil sa kawalan ng pinag-aralan. Nu’ng minsan nag-eleksyon ang University of the Philippines Alumni Association of Southern California. Ang natalong kandidatong president at mga kampon niya ay nagtayo ng “The New UPAASC”.
Mahigit 7,400 ang samahang Pinoy na nakarehistro sa California. Kasingdami ng isla sa kapuluan. Hiwa-hiwalay, kanya-kanya.
Pero tatlo lang ang Korean associations doon. Isa ang mother group, tapos may women’s chapter at youth chapter. Solido sila.
Ito ba ang “talangka mentality”? Para ba tayong mga talangka sa kalan? Naghihilahan pababa imbis na magtulungan sa pag-angat?
Mahigit 4.2 million ang Filipino-Americans. Karamihan nasa California at New York. Pero walang Pilipinong state o federal congressman o senator. Apat lang ang nag mayor.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).