Kapos ang Pilipinas sa pampalasa: asukal, sibuyas, bawang, paminta, sili, luya. Kapos sa pagkain: manok, baboy, baka, isda, gulay, prutas, bigas, mais. Pinabayaan ng gobyerno ang sakahan at pangisdaan. Puro import ang ginawa ng dating admin. Nalugi ang magtatanim at mangingisda kaya nawalan ng gana. Kinartel ng mga politiko at business cronies nila ang kalakalan. Laganap ang agri-smuggling. Wala ni isang nakulong sa economic sabotage. Patuloy ang maruming kalakaran.
Malamang kapusin din ang Pilipinas sa asin. Kapag walang asin, walang lasa lahat ng pagkain – ulam, pahimagas at pulutan.
Sa ngayon 93% ng asin ay ini-import ng bansa. Pitong porsiyento lang ang gawang lokal. Kung magkagulo o sakuna sa mga bansang binibilhan natin – China, New Zealand, Australia – aalatin tayo.
Masaklap na isang archipelago ng 7,641 isla ay umaangkat ng asin. Bakit nawala ang mga tumpok ng pampaalat, mataas pa sa tao, nakakasilaw sa kaputian, sa mga tabing-dagat?
Unang rason, low technology. Umaasa lang ang mag-aasin sa init ng araw para i-evaporate ang tubig-dagat at maiwan ang asin sa pitak. Kapag umulan, lusaw at kontaminado ang asin. Sa ibang bansa, moderno ang proseso ng evaporation sa loob ng pabrikang de-bubong.
Ikalawang rason, kawalan ng tulong ng gobyerno. Inobliga ang mag-aasin na i-iodize ang produkto, pero sariling gastos. Nagsawa sila sa pagbayad ng multa. Wala ring ayuda para mag-modernize.
Ikatlong rason, climate change. Hindi na malaman ng mga mag-aasin kung kelan mainam magbilad ng tubig-dagat. Bumabagyo maski panahon ng tag-init. Ibinenta na lang ang mga lupain.
Panukala ni Kabayan partylist Rep. Ron Salo na buhayin ang industriya ng asin. Dapat daw mag-export muli ang Pilipinas. Pinapopondahan niya sa gobyerno ang ASInDeRo, o Administration for Salt Industry Development, Revitalization and Optimization. Dapat payamanin ang mga mag-aasin para ganahan sa negosyo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).