ISA lang ang inanunsiyo sa unang anim na buwan ng bagong pamunuan ng Department of Tourism. Kesyo babaguhin daw ang marketing slogan na “It’s More Fun in the Philippines.” Sinayang lang ang dating epektibong tagline. Tatlong ulit ang naging dagsa ng dayuhang turista sa Pilipinas mula nang ilunsad ang It’s More Fun nu’ng 2012. Naging P3 trilyon ang industriya, 13% ng kita ng Pilipinas, at nag-empleyo ng 5.5 milyon nu’ng 2019.
Hindi bagong slogan ang dapat, kundi pagpapabuti sa mga dating atraksiyon, pagdagdag ng bagong pasilidad, at pagsasanay sa mga tao. P3.57 bilyon lang ang budget ng DoT para 2023; ang Office of the Vice President na wala naman talagang tungkulin ay P2.3 bilyon. Sa katiting na pondo ng DoT, P1.17 bilyon lang ang marketing budget ng Tourism Promotions Board. Ubos agad ‘yan sa ilang buwang advertising lang sa CNN, CNBC at pandaigdigang travel magazines. Baka walang matirang pondo para sa social media. Mababale-wala ang isang dekadang ginastos para sa It’s More Fun.
Pare-pareho ang produktong turismo ng mga bansa sa Southeast Asia: araw, dagat, buhangin, pagkain. Sa It’s More Fun in the Philippines, ipinapaalam natin sa mundo na may lamang tayo sa iba. Una, pala-kaibigan at pala-ngiting mga tao. Ikalawa, nakakaintindi’t nakakasalita ng English, ang wikang pandaigdig.
Magdagdag tayo ng resorts, hotels, restoran, sasakyan at Wi-Fi sa mga destinasyon. Nasa Pilipinas ang apat sa pinaka-magagandang isla sa mundo. Pero 8.2 milyon turista lang ang naakit natin nu’ng 2019. Sa Thailand isang lugar lang, Phuket, ay dinayo ng 10 milyon; sa buong Thailand 40 milyon ang dumating. Sa Malaysia, Bali pa lang ay 6 milyon na; 25 milyon sa buong bansa.
Hasain lahat cook, tindera, serbidor, tsuper at bangkero, pati pulis na makitungo sa turista. Hikayatin ang mga artista at mang-aawit na akitin sila. Ipadama na it’s more fun in the Philippines.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).