ADOBO umano ang pangunahing pagkaing Pinoy. Pero walang banggit si Jose Rizal sa putahe sa marami niyang mga liham, sanaysay at akda. Hindi alam ni culinary historian Felice Santa Maria kung bakit. Wala ring masaliksik sina batikang chefs Claude Tayag at Ige Ramos na nag-uugnay ng adobo sa bayani.
Ang putaheng ikinuwento ni Rizal sa “Noli Me Tangere” ay ang tinola, paalala ni Gemma Cruz Araneta na apo sa tuhod ni Rizal. Sa chapter 1, hapunan sa bahay ni Capitan Tiago, nagwala si Padre Damaso dahil leeg ng manok na lang ang natira para sa kanya.
Nais ng Department of Trade and Industry magka-minimum standards sa pagluto ng adobo. Ito’y para maipakilala ang lutong Pinoy sa mundo. Sinuri ng DTI ang aklat na “Kulinarya” at tinipon ang maraming chefs.
Ginawa rin ‘yon ni King Bhumibol nu’ng dekada-’80 para itanghal ang Thai cuisine. Pinasulat niya ang mga batikang chefs ng recipes ng Tom Yum Goong (maanghang na sinabawang hipon), Som Tum (papaya salad), Tom Kha Kai (ginataang manok), Gaeng Daeng (curry), Pad Thai (pansit), Khao Pad (sinangag), at Pad Krapow Moo Saap (pritong baboy). Tinalaga rin ng hari ang mga bayan-bayan na magtanim at iproseso ang ingredients: toge, basil, paminta, niyog, at iba pa. Umunlad ang sakahan.
Bagong putaheng Pinoy ang sisig. Kahit sinong dayuhan na makatikim ay puro paghanga at paghingi ng dagdag. Tampok din ang sinigang, dinuguan, kare-kare, lechon, humba, burong isda, bistek, longganisa, tocino. At huwag kalimutan: bibingka, suman, kutsinta, puto, biko, sapin-sapin, tibok-tibok, puto maya, puto bumbong, palitaw, minatamis na kaong, at burong prutas. Meryendang Thai ang halu-halo at Malaysian ang gulaman (gula melaka) pero mas pinasarap ng Pinoy.
Lahat sana ito ay pagawan ng DTI ng minimum standards. Sa ganu’ng paraan magko-crossover ang mga putahe sa abroad. Yayaman pa ang Pilipinong magtatanim at food processors.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).