SINUMANG bully ay patuloy na mang-aabuso kung hindi kukomprontahin. Sa campus o sa kalye, kung hindi ka kakasa sa nambabatok o nangingikil, patuloy kang magdurusa.
Iba’t ibang paraan ang pagkompronta sa bully. Maaring magkaisa lahat ng biktima para turuan siya ng leksiyon. O magpalakas at mag-armas ang indibidwal para patigilin siya.
Palala nang palala ang pambu-bully ng China sa West Philippine Sea. Nu’ng una paisa-isang trawler lang ang nagpo-poach ng yaman-dagat natin. Dahil malamya ang reaksiyon ng Pilipino daan-daang Chinese trawlers na ang kumukuyog sa mga bahura natin.
Nu’ng una mine-megaphone ng Chinese coastguards ang mga patrolyang Pilipino. Kesyo raw nanghihimasok sa teritoryo nila. Tahimik lang tayo. Tapos, nanggitgit na ang mga higanteng CCG gunboats ng maliliit na patrolyang Pilipino. Nang-water cannon. Tahimik lang tayo. Nitong huli binaril na ang patrolya natin ng laser gun na nakakabulag at nakakasunog ng balat. Tahimik pa rin tayo.
Sinusubukan ng bully-China kung hanggang saan ang pagtitimpi natin. Siyam na bahura na ang inagaw sa atin mula 1989. Tatlo ru’n ay kinongkreto at nilagyan ng missiles, attack helicopters, fighters, bombers at warships. Tinatangkang agawin ang konti na lang natitirang bahura.
Kapag nakuha na nila lahat at ginawang military bases, kaya pa ba nating paalisin ang bully?
Ngayon pa lang humingi na tayo ng tulong sa United Nations para sabihan ang bully na lumayas. Armasan at pahintulutan ang ating mga patrolya na aktibong dumepensa. Gumamit ng ultrasonic gadgets na makakabingi sa bully. Imbitahan ang mga kakamping coastguards at navies na mag-joint patrol ng ating karagatan. Magtayo ng permanenteng outposts sa Ayungin (Second Thomas) Shoal, Escoda (Sabina) Shoal at Julian Felipe (Whitsun) Reef. Kumasa nang konti.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).