Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Ika-13 buwan na ng pandemic lockdown; 13 na ring kaibigan at kadugo ang pumanaw sa COVID-19. Bukod pa sa bilang ang namatay sa ibang sanhi, at mga di ko gaanong kilalang kaanak ng katrabaho o kapitbahay. Tiyak ko dumanas din kayo ng ganyang dalamhati. At nahirapan kayo magpahayag ng pakikiramay sa pinaka-malalapit sa kanila.
Dahil sa higpit bumiyahe at mag-distancing, hindi tayo makadalo sa burol. Sa text lang natin nababalitaan ang malungkot na nangyari, at sa online lang tayo nakakasali sa parangal at misa. Kakaibang panahon ito. Kung kailan pa naman pinaka-dapat, hindi natin mayapos o makausap man lang sa mata ang mga naiwan. Hindi maihatid ang abo o labi ng yumao sa huling hantungan. Kanya-kanyang alaala na lang.
Madaling teleponohan ang namatayan, pero iba ang harapang pakikidalamhati. Mabilis mag-text, pero sa cloud lang ‘yon. Kung sana lang ay kasing-solido ng inskripsiyon sa lapida, kasing pangmatagalang nicho ang mapapahiwatig natin sa kanila. Nakakainggit ang mga manunula na nakalilikha ng tagos sa pusong mga salita – pero ‘yon ay dahil sa malalim na taghoy at malakas na dagok ng pagkawala.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Nu’ng unang panahon, walang lapida ang mga maralita. Nililibing sila nang walang kabaong sa paligid ng dambana, kahit ano’ng direksiyon lang, patung-patong sa paglipas ng mga taon, hanggang tumambok ang lupa. Wala ring pananda ang nagpakamatay. Ang mga maykaya ay sa kuweba, at ‘di naglaon ay sa ipinatayong mausoleyo. Nakaukit ang kanilang kadakilaan, talino, at mga nagawa.
Bawat yumao ay may iniwang nagmamahal. Ang biglang paglisan nila ay paalala sa atin na tayo rin ay susunod balang araw. Parang sindi lang sa kandila ang buhay; isang ihip lang biglang wala na. Kaya dapat mag-ingat, magmahal, maghanda. Lahat nagnanais na sumalangit nawa.