TUWING maka-Pasko’t Bagong Taon sa Maynila, hinahakot ng pulis ang mga pulubing maiitim, maliliit at kulot. Tinatawag silang Badjao ng mga tagalabas; Sama ang tawag nila sa sarili. Ibinabalik sila sa pinagmulang tabing-dagat sa Zamboanga, Sulu at Tawi-Tawi. Nakatira sila sa mga bahay na bangka. Walang permanenteng address, walang dokumento ng kapanganakan, walang citizenship. Tinuturing silang “sea nomads”.
Tawid-dagat sa Sabah ay marami silang kamag-anak. Kinamumuhian silang squatters sa gilid ng mga palengke ng isda. Dahil mangmang sila at walang papeles, pinagsususpetsahan sila ng masasamang balak. Kinukulong ng Malaysian police kung iista-istambay lang. Marami pang kaanak sa kalat-kalat na isla ng Kalimantan, bahagi ng Borneo sa ilalim ng Indonesia. Tinatayang isang milyon lahat sila.
Nangingisda at sumisisid ng kabibi at sea cucumber ang mga Sama-Badjao para sariling kain. Bihira lang ang naghahanapbuhay para magkapera. Hindi nila ito kailangan dahil mayaman ang dagat. Maliban lang kung dalhin sila ng sindikato sa lungsod para magpalimos.
May kakaibang katangian ang katawan ng Sama-Badjao. Malalaki ang spleen (pali), punumpuno ng dugo na taglay ang oxygen. Na-evolve ito sa matagalang pagsisid nila.
Simula 16th century, pinaghatian ng kolonyalistang Spain, Britain at Netherlands ang Malay Empire. Ginawang Pilipinas, Malaysia, at Indonesia. Nilista at ineduka ng kanya-kanyang gobyerno ang mga sinakop na mamamayan. Hindi nasali ang Sama-Badjao.
Sinasalubong ng mga naka-bangkang batang Badjao ang mga barkong papalapit sa Zamboanga City. Sinisisid nila ang hinahagis na barya sa malalim pero malinaw na tubig. Minsan isang babaing may sanggol ang sumagwan papalapit. Nakita niyang sinuksok ng pasahero sa barko ang dalawang tig-P20 sa basyong boteng plastic at initsa sa kanya. Hindi nasalo, iniwan niya sandali ang baby at nag-dive sa dagat.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).