Uso sa Japan ngayon ang pagkalat sa hangin ng abo ng yumao. Negosyo ang pagbenta ng espesyal na lobo na magsasaboy nito, kasunod ang ilan pang lobo na sumasagisag sa asawa, mga anak at apo ng namatay. Nagbibilian ang matatanda na huwag nang itago ang abo nila sa urn sa bahay o templo. Ayaw nilang maging abala sa mga maiiwan nila.
Sa Pilipinas maraming nagnanais din maging kaisa ng kalikasan pagpanaw. Ipina-cremate si henyong botanist Leonard Co na pinaslang ng mga sundalo nang mapagkamalang rebeldeng komunista nu’ng 2010. Kalahati ng abo niya ay ibinaon sa gilid ng puno na itinanim niya nu’ng 1975 sa U.P.-Diliman campus. Ang natira ay isinaboy sa hilagang Sierra Madre kung saan niya nadiskubre ang higanteng bulaklak na ipinangalan sa kanya, Rafflesia leonardi.
Anang mga iskolar nagsimula ang cremation nu’ng 3000 BC. Natuklasan ang mga tapayan na may abo ng tao sa kanlurang Russia. Kumalat ang kaugalian sa Europe at South Asia. Nagkaroon pa ng mga sementeryong pang-cremation sa Hungary at Italy.
Mainam ang cremation dahil ligtas sa pagkalat ng sakit. Mabilis itong pangligpit ng bangkay ng mga mandirigma at namatay sa salot. Sa sobrang uso, ipinagbawal sa loob ng Rome ang pag-cremate; dapat sa labas lang ng siyudad.
Mas kinatigan ng Abrahamic religions — Kristiyanismo, Judaismo, Islam — ang paglibing ng bangkay. Paniwala nila na babangon muli ang mga nahimlay sa araw ng Huling Paghuhukom.
Nang mabinyagan siyang Kristiyano, ipinagbawal ni Emperor Constantine (272-337 AD) ang cremation. Dati nang tradisyon ng mga Judeo ang paglibing, tulad ng kay Hesukristo. Sa mga Muslim dapat ilibing ang patay bago lumubog ang araw.
Bumalik ang cremation dahil naging mahal magpalibing. Ngayon isinasaboy ang abo dahil mahal na rin ang kolumbaryo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).