Nagbabala ang Food and Drug Administration tungkol sa laruang lato-lato. Wala kasing Certificates of Product Notification ang gumagawa nito. Maaring meron itong toxic substances o makasugat kung mabasag.
Pero mali na binawal ang lato-lato ng mga opisyales ng barangay at homeowners associations kasi kesyo raw maingay. Maraming ibang laro at laruang maingay: basketball, volleyball, patintero, turumpo, labanang gagamba, karera ng patpat ng popsicle sa kanal. Maiingay din ang jeepneys at tricycles. Bakit hindi sila ibawal?
Nakakatulig nga ang lato-lato, pero normal lang maingay maglaro ang mga bata. Natural sa kanila maghalakhakan at maghiyawan. Kung minsan may tampuhan at awayan, pero nagkakabati rin sa huli.
Ganundin ang mga opisyales nu’ng mga paslit pa. Bakit sila killjoy ngayon? Lango sa kapangyarihan?
Naging homeowners association officer ako noon. Nagpetisyon ang masusungit na kapitbahay na ipasara ang kindergarten. Kasi raw maingay ang paglalaro ng mga bata sa munting playground at sa pagsama-samang lakad pauwi.
Tinanong ko sila: kung maglaho ang saya ng mga bata sa paglalaro, anong klaseng mundo ang kahihinatnan natin? Hindi kaya tayo mabingi sa katahimikan?
Maraming bata ngayon ang hindi halos lumalabas ng bahay. Mag-isa lang sa computer games. “Pinapatay” ang mga “kaaway” online. Humuhusay nga ang koordinasyon ng mata at pulso nila pero hindi sila naaarawan. Hindi nababatak ang muscles ng hita, binti, paa. Nagiging mapagsarili, sakitin, tumataba sa kawalan ng ehersisyo.
Sa sama-samang paglalaro natututo ang bata ng pakikiisa, pakikitungo, bigayan, pagkakaibigan. Habang lumalaki nagiging masiyahin at makatao; hindi killjoy.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).