TAMA lang na ibangon ng China ang nawasak na puri. Pero mali kung mag-imbento ito ng kasaysayan para sa ganu’ng layunin.
Dinurog ng Britain ang China nu’ng first Opium War, 1840. Sumunod ang “100 taon ng pambansang pagpapahiya”. Pinaghatian ito ng mga kolonyalistang European, America at Japan. Daang-libo ang inalipin, ginahasa at pinatay. Prinenda ang gobyerno sa malalaking banko.
Sinuri ni geographer William Callahan at historians ang resulta. Sadyang kinalat ng makabayang Chinese intellectuals ang pananaw na nilapastangan ang kanilang teritoryo. Ito’y para paalsahin ang taumbayan kontra sa imperyalista. Mula 1900, nagdrowing sina China Geography Society founder Bai Meichu at iba pa ng mga mapang nagpakita ng umano’y pagpunit ng mga teritoryo mula sa bansa. Saliksik ito ni Bill Hayton, “South China Sea: The Struggle for Power in Asia”.
Pinalabas ng mga “mapa ng pambansang pagpapahiya” na sa China umano pati ang mga paligid na pook na dating nagbayad ng tribute sa Emperor. Ipinakita na kesyo lumiit ang natirang teritoryo mula sa sinaunang Middle Kingdom. Dinagdag bigla ang Tibet, inner Mongolia, Xinjiang, Yenan at Taiwan.
Pati South China Sea isinama pero pumasyal lang naman at namatay sa Beijing ang isang sultan ng Sulu. Dinurog nga ng Malay Empire ang mga tropa’t barkong panakop sana sa Java ni Emperor Kublai Khan nu’ng 1292.
Nagguhit sa SCS ng boundary matapos kopyahin at isalin sa Chinese ang British maps nu’ng 1935. Nu’ng una “ten-dash line”, ginawang “nine-dash line”, ngayon “11-dash line” na.
Batay sa maling pagbasa ng Southeast Asian history, nagkaguni-guni na ang China na kanila ang dagat. At batay sa guniguni, nagbabanta ang China ng giyera. Nagyayabang ang Chinese Communist Party na ito kuno ang nagsalba sa China mula sa kahihiyan. (Itutuloy)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).