HINDI ako nag-eendorso ng kumpanya o produkto. Pero ibabahagi ko ang kuwentong ito ni Wilfredo Garrido tungkol sa isang katangi-tanging negosyo. Bagay na bagay ngayong Araw ng mga Puso:
“Pilipino ang may-ari ng Hapee toothpaste, si Dr. Cecilio Pedro. Tahimik, mapagkumbabang pagong na kinakarera ang kuneho. Imbis na magbayad ng mamahaling endorsers, nagbabayad siya ng utang na loob sa pamamagitan ng pag-empleyo sa bingi. Isa sa bawat tatlong manggagawa niya ay may kapansanan. Hindi sila pinagsasamantalahan.
“Mula sa kinikita, nagpapatayo ang Hapee ng maraming paaralan para sa mga anak nila, hindi para pagtrabahuhin kundi para pagtapusin. Isang campus ay nasa tabing kahuyan sa Lake Caliraya, Cavinti, Laguna. Nakatira roon karamihan ng staff at scholars. Wala ni-isang billboard ng Hapee o litrato ni Dr. Pedro.
“Sayad sa lupa siyang kausap, walang ere ng diyos-diyosan. Kung ibuhos ang pera sa ads, mas sisikat ang Hapee. Pero ayaw nito, kasi magmamahal ang produkto. Kuntento ito na kasing kalidad ng karibal ang toothpaste, dishwashing soap, at iba pa gamit pangbahay. Hindi hiningi ni Dr. Pedro nai-promo sila. Nagpatulong lang siya gumawa ng trail-running course sa 100 ektarya para akitin ang turista.
“Ngayon ine-empleyo na rin ni Dr. Pedro ang senior citizens. Bahagi ‘yon ng social responsibility program ng kompanya. Nananatili siya sa pilosopiya ng kanyang negosyo: pag-ibig at pagtulong sa kapwa.
Handugan natin si Dr. Pedro, mga tauhan at may kapansanan ng munting pampangiti.”
Pinalad akong makapanayam si Dr. Pedro sa TV program na “Linawin Natin”, IBC-13. Simple manamit at magsalita pero malalim ang mga sinasaad. Ramdam ko na siya ay maka-Diyos, kaya masaya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).