Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
TUMATAGINTING na P9.725 trilyon na ang halaga ng ninakaw at winasak ng China na likas na yaman natin sa West Philippine Sea. Konserbatibo pang kuwenta ‘yan. Dapat pagbayarin ang China. Ito ang detalyes:
(1) P231.7 bilyong pagsira sa walong bahura nu’ng 2014-2020. Kinongkreto bilang island garrisons ang Kagitingan, Mabini, Zamora, McKennan, Calderon, Burgos, at Panganiban Reefs. Binakbak ang Panatag Shoal. Kita sa satellite ang 1,850 ektarya ng corals na namatay, kaya nawala ang mga isdang nagingitlog at nanginginain doon. Naglaho ang pinanggagalingan ng rare metals, bagong gamot at biotechnology. Ang yaman ng corals ay P18 milyon kada ektarya kada taon, ayon sa pandaigdigang saliksik na nilathala ng Elsevier sa Netherlands. Kaya nawalan tayo ng P33.1 bilyon kada taon, o P231.7 bilyon sa pitong taon.
(2) P644 bilyong nakaw na isda nu’ng 2014-2020. Sinolo ng China ang mga pangisdaan sa WPS. Bawa’t industrial trawler ay humahakot ng 12 toneladang isda kada araw. Sa Zamora at Panganiban pa lang 270 Chinese trawlers ang gumagala araw-araw. Kada taon 1.2 milyong tonelada ang tinatangay nila. Ang halaga ng isang tonelada ay P76,710, ulat ng Southeast Asia Fisheries Development Center nu’ng 2018.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
(3) P8.85 trilyong multa at “upa” sa walong sinira at inokupang bahura. Sinuma ito ni Prof. Anders Corr, Amerikanong geopolitics analyst. Nagmulta ang US ng P98.5 milyon sa paggasgas ng USS Guardian ng 0.235 ektaryang corals sa Sulu Sea nu’ng 2015. Ikuwenta ‘yan sa 12,432 ektaryang corals na pinasya ng Permanent Court of Arbitration na winasak ng China. Sa “upa”, P10 bilyon kada taon ang singil ng Pilipinas sa US sa bawa’t isa sa anim na base militar nu’ng 1988. Ikuwenta ‘yan sa kada taon na inokupa ng China ang Kagitingan, Mabini, Zamora, McKennan, Calderon at Burgos simula 1988; Panganiban mula 1995; at Panatag mula 2012.
Makatarungan na pagbayarin ang China sa pambubusabos.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
