
Pakiwari ng mga politiko ay bobo tayong lahat. Hinahalal kasi natin sila kahit pandarambong lang ang inaatupag.
Kaya, hayan: Dinugas ng political dynasts ang P1.7 trilyon na pang-flood controls natin nu’ng 2016-2025. Mahigit 118 milyong Pilipino ang nabiktima ng pagnanakaw at ng baha. Pero 118,000 lang ang sumali sa mga kilos-protesta ng Trillion Peso March at Baha sa Luneta. Nanahimik daw tayong 118 milyong bobo at walang pakialam.
Lumalakas ang loob ng mga politiko na patuloy tayong biktimahin. Nito lang Oktubre tinangay ng mga kongresista ang P244 bilyong budget sana ng PhilHealth natin para sa 2027. Nagtira lang sila ng P74 bilyon. Ang bultong P170 bilyon ay nilipat sa MAIFIP o Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program.
Sa PhilHealth lahat sana tayo ay may benepisyong e-Konsulta, pang-ospital, pang-dialysis, pang-dentista, at Yakap. Pero sa MAIFIP ay palakasan sa politiko. Luluhod tayo sa kanila at hihingi ng pampagamot. Kapalit ay guarantee letter nila sa ospital na kesyo babayaran nila ang gastos.
Tuwang-tuwa tayo makatanggap ng ayudang MAIFIP. Kapalit nu’n ay ihahalal natin sa 2028 ang mga politiko at kamag-anak nila na nagnakaw at lumoko sa atin.
Gaano tayo ka-bobo? Dalawang dekada na tayong kulelat sa international tests sa Math, Sciences, at Reading Comprehension. Sanggol palang ay bansot, payat, at putot na tayo. Hindi nahasa ang utak. Takot maghanap-buhay. Namamalimos na lang sa politiko.
Patuloy tayong magiging mangmang dahil pumayag tayong nakawin ang P244 bilyon na pangkalusugan dapat natin. Ang mga anak at apo natin ay lalaking mas bobo at walang pakialam kaysa atin.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)