MAHIGIT 951,000 ang Pilipino registered nurses. Pero 509,000 lang ang nangasa-ospital at clinics.
Kulang ng 126,000 nurses sa serbisyong kalusugan, nag-aalala ang Department of Health. Kailangan mapunuan ang global standard na 12 nurses sa bawat 10,000 tao sa populasyon nating 111 milyon.
Pero 124,000 nurses ang walang trabaho, hinaing ng maraming samahan nila. Maraming iba pa ang nasa ibang hanapbuhay: call center agent, medical sales rep, at iba pa.
‘Yan ang sitwasyon kaya nagtatalo sina Health Sec. Ted Herbosa at mga lider-nurses. Nais ni Herbosa na pagtrabahuhin sa mga ospital at clinics ang nursing graduates na lumagpak sa licensure exams pero 70-74% ang grado. Sagot ng mga lider i-empleyo muna ang 124,000 na walang trabaho.
Napakahalaga ng nurses. Sila kalimitan ang unang saklolo sa emergencies. Sila ang pumupuno ‘pag walang general physician sa pook. Pinapayuhan nila ang mga buntis at tinutulungan sa panganganak. Inirerekomenda nila ang pasyente sa mga espesyalista sa mata, taynga, baga, puso, internal organs, buto, muscles.
Samantala kailangan ng tatlong nurse – isa sa bawat otso oras na shift araw-araw – sa bawat 42,000 barangay, o kabuuang 126,000.
Ilang tungkulin nila: tiyakin ang kalusugan at wastong pagkain ng bawat pamilya, kumpleto sa bakuna ang bawat sanggol at bata, bakunado tuwing limang taon kontra pneumonia ang bawat matanda, bakunado taun-taon lahat ng adults kontra flu at COVID-19.
Mapapayuhan nila ang teenagers na huwag magbuntis, ang mga ina na dalangan ang pagbubuntis, ang mga ama na tumigil manigarilyo. Tagaturo ng first aid at tagapayo sa kabataan kontra droga.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).