Heto na naman ang political dynasts sa Kongreso. Patitindihin nila ang parusa sa nuisance candidates sa halalan. Pero siyempre hindi nila ibabawal ang political dynasties na labag sa Konstitusyon.
Mumultahan ng P50,000 ang sinumang mahatulang guilty na nuisance candidate. Dagdag ito sa dati nang anim na taong preso, at pagbawal bumoto/maboto, at mapuwesto.
Apat ang rason nila sa dagdag-parusa: (1) Nililito lang ng pare-parehong apelyido ang mga botante. (2) Pinagkakitaan lang ng nuisance candidate ang halalan maski walang balak maupo. (3) Binabastos ang sistemang halalan. (4) Binabansot ang demokrasya.
Ngunit suriin ang apat na dahilan. Hindi ba’t political dynasts ang nagkakasala ng gan’un?
‘Di ba’t pare-parehong apelyido ng mga nakaluklok sa Senado, Kamara, kapitolyo, lungsod, munisipyo? Sila-sila na lang.
‘Di ba’t mas malala ang political dynasts — pinagkakitaan ang puwesto maski walang balak magsilbi? Dinarambong nila ang kaban ng bayan sa pork barrels at kickbacks mula sa mga proyekto.
‘Di ba’t dynasts ang yumuyurak sa halalan? Saad sa Konstitusyon na magpasa ng batas kontra dynasties. Pero 13 halalan na sa loob ng 36 taon ang lumipas — wala pa ring batas.
‘Di ba’t political dynasts ang nagwawasak ng demokrasya? Sinosolo nila ang mga puwestong pambansa at lokal — para isulong ang interes ng pamilya, hindi ng mamamayan. Napapalago nila ang mga negosyong mula sa prangkisa ng gobyerno: tubig, kuryente, brodkast, minahan, troso, bus, barko, atbp. Ginagamit ang kinurakot pambili ng boto at pang-private army. Hawak nila ang yaman at poder.
Sa loob at labas ng bayan kong sawi….
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).