MALIMIT tayo makapanood ng tv interview ng board exam topnotchers.Lahat sila nagkukuwento na hindi nila inasahang maging mataas ang score. Naghanda sila nang lubos at nagdasal na makapasa man lang. Gantimpala na yung mapasali sa Top 10.
Lahat tayo dumaan sa madugong exams sa eskuwela. Nagpuyat sa pag-review. Ilang araw na ninerbiyos kasi baka lumagpak. Nawalan ng tiwala sa sarili. Sa araw ng exam nabingi tayo sa katahimikan sa silid. Narinig pati ang tik-tok ng orasan. Nalusaw sa matalas na titig ng proctor. Nasira ang loob sa kaklase na taas-noong maaga natapos nang kinse minutos. Tapos natulala nang makita ang grade….
Nakakagulo ba ang nerbiyos sa isip ng examinee? Kung mas matindi ba ang nerbiyos ay mas malamang lumagpak siya? Kung sa mock exam o online practice sessions ay ninenerbiyos na, mas malala ba ang agam-agam sa mismong exam?
Inaral ang isyu ni Dr. Maria Theobald ng Leibniz Institute for Research and Information in Education. Sinuri niya ang takbo ng isip ng 309 Germans na kukuha ng medical board exam.
Sa tatlong review sessions mula 100 araw bago ang board exam, binigay niya sa kanila ang mga tanong sa dating exams. Apatnapung araw bago ang board, nag-mock test din siya. Pinasukat niya sa kanila ang lebel ng kanilang pag-aalala hanggang sa mismong araw ng exam. Napansin niya na walang kinalaman ang agam-agam sa mismong resulta ng board. May mga cool na cool pero mababa ang marka.
Mas importante, nakita niya na mas maraming nerbiyoso rin ay mas mababa ang grado. Ito’y dahil napupulpol ng nerbiyos ang kanilang konsentrasyon sa review. Hindi na pumapasok sa utak ang reviewers at mock exams. Kaya dapat daw tulungan ang examinees pakaisipin na hindi pa katapusan ng mundo kung lumagpak. Ito raw ang dapat ding idiin sa review classes: patatagin ang loob ng mga mag-eeksamen.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).