MAY tinatawag sa economics na law of self-fulfilling prophecy. Kapag iniisip ng publiko ang isang pangyayari, malamang daw magkatotoo ito.
Pebrero 2022 pa lang, sinabi na ng mga eksperto na kakapusin ang pagkain sa mundo dahil sa giyera ng Russia at Ukraine. Nabulabog ang pagtatanim nila at katabing Belarus at Poland ng trigo. Binaha pa ang mga taniman ng trigo sa China at natuyot ang mga palayan. Malalang drought din ang sinapit ng Indian subcontinent at America.
Nabulabog din ang paggawa ng nitrogen fertilizer mula natural gas sa Russia at Ukraine. Nagmahal ang pataba. Kinapos ang mundo.
Apektado nito ang Pilipinas. Kapos tayo sa lahat ng pagkain: bigas, trigo, mais na pang-tao at hayop, asin, asukal, gulay, prutas, isda, manok, baboy, baka. Walang ibang bansang mabibilhan. Sapat lang para sa sarili ang pagkain ng mga kapitbahay na Vietnam, Thailand, Taiwan, Cambodia, Laos, Myanmar, Malaysia, Indonesia, Timor at Japan.
Namihasa sa kai-import ang nakaraang admin. Nalugi at nawalan ng gana ang lokal na magtatanim at maghahayop. Nawaldas lang ang P10 bilyong Rice Competitiveness Enhancement Program, at P12 bilyong Sugar Industry Modernization Fund. Nanatili ang mga bugok na burukrata sa kasalukuyang admin. Itinuloy ang mga mali.
Ginulo na rin ng climate change ang pagtatanim at paghahayop. Umuulan kung kelan dapat tag-init; sobrang lakas ng bagyo tuwing tag-ulan. Hindi na malaman ng mga magpapalay, magtutubo at mag-aasin kung kailan magpupunla. Dahil sobrang sangsang ng panahon, hindi makakain kaya nababansot ang manok. Kinakapos sa itlog. Kulang ang ayuda sa mangingisda, fishpen operators, magbababoy at magbabaka. Lugmok pa rin ang maggugulay at magpruprutas dahil sa tatlong taong agri-smuggling. Kapag kapos, magmamahal ang pagkain. Madadamay ang iba pang bilihin at gastusin: damit, upa sa bahay, pamasahe, utilities.
Daranas tayo ng malungkot na Pasko.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).