NAMATAY nu’ng May 31 si Vera Nikolaevna Putina, 97, na 24 taon naggiit na siya ang tunay na ina ni Russian President Vladimir Putin.
Siya’y taga-Metekhi, maralitang barrio sa Georgia, bansang sinakop ng Russia. Russian siya, edad 73 nang lumantad nu’ng 1999 matapos mapanood sa tv ang bagong proklamang presidente.
Anya, produkto si “Vova” nang pagtatalik sa kaklaseng Georgian sa kolehiyo. Nang malamang may asawa pala si Platon Privalov, hiniwalayan agad ito. Pero buntis na siya kay Vova.
Inasawa niya si Giorgi Osepashvili, sundalong Georgian na itinira siya sa Metekhi at inanakan ng dalawang babae. Lumaking mapag-isa si Vova, mahilig mangisda at magbasa ng Russian classics, at mainitin ang ulo kapag natatalo sa wrestling. Malimit bumulyaw si Osepashvili na palalayasin niya sa bahay ang “bastardong” Vova.
Edad-9 ang malungkot na Vova nang ipaampon sa mga magulang ni Putina. Nabalitaan na lang ng ina na nagsundalo at nag-KGB si Vova.
Isinapelikula si Putina ng isang Dutch director. Dinumog siya ng media. Kinumpiska ng KGB ang mga litrato niya ng batang Vova. Dalawang nag-imbestigang mamamahayag ay namatay sa magkahiwalay na “aksidente”. Kumuha ang apat na estranghero ng DNA blood sample; hindi siya binigyan ng resulta.
Ani Vladimir sa autobiography, sina Vladimir Sr. at Maria Putin ang mga magulang niya. Nu’ng World War II namatay umano sa gutom ang dalawang unang anak. Isinilang si Vladimir Jr. Oct. 7, 1952, eksaktong dalawang taon na sinabi ni Putina na ipinanganak niya siya.
Ani Putina umulit ng Grade 1 si Vova kasi pulpol sa wikang Russian. Dahilan kaya ‘yon ng litong taon ng pagsilang? Itinatanggi ni Vladimir na dayuhang half-Georgian siya, umiiwas sa paratang na ‘di dapat mag-Russian president. Natuklasan ng London Daily Telegraph na may nag-aral ngang Vladimir Putin nang tatlong taon sa Metekhi School.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).