Tinitigan nila Generals Manuel Yan at Ed Ermita, Senator Orly Mercado at Tawi-Tawi Governor Nur Jaafar ang name tags sa dibdib ko at ni Fred Clemente: “MNLF Observer”. Panelists at advisers noon ang apat sa peace negotiations ng gobyerno ng Pilipinas sa Jakarta, Agosto 1996. Education undersecretary si Clemente, at ako ay publisher ng pahayagang Isyu. Nagtaka sila kung bakit nasa panig kami ng separatistang Moro National Liberation Front.
Ilang araw bago ‘yon ipinatawag kaming dalawa ni President Fidel Valdez Ramos sa Malacañang. Kumbinsihin daw namin si MNLF chairman Nur Misuari na bumalik sa peace talks na nilayasan niya sa galit. Bakit kami, usisa ni Clemente. Sagot ni FVR, dating Armed Forces deputy for intelligence na mala-elepante ang memorya, na alam niyang sanggang-dikit sila ni Misuari. Bunkmates sila sa dormitoryo sa U.P. Diliman at charter members ng radikal na Kabataang Makabayan nu’ng 1964. Samahan ko raw si Clemente, ani FVR, para ma-scoop ko ang mga kaganapan sa likod ng balita. “Simple lang ang mensahe ko kay Misuari: Pilipino ka na may karapatang umuwi sa sarili mong bayan.”
Nang ibulong namin ‘yon kay Misuari sa Jakarta, tumango siyang nakangiti. Sinabihan niya si MNLF panelist, Protestant Rev. Absalom Cerveza, na ayusin na ang mga isyung pinag-awayan nila ni Gen. Alex Aguirre ng kabilang panig. Naintindihan ni Misuari ang mensahe. Sinserong nais ni FVR na umuwi na lahat sila sa kanilang mga pamilya.
Paglipas ng tatlong araw, Agosto 19, nagtagpo sina FVR at Misuari sa Malabang, Lanao, 10 taon mula nu’ng unang pagkikita. Mahigpit silang nagyakap at nagdeklarang tapos na ang giyera. Pormalidad na lang ang pirmahan sa Manila nu’ng Setyembre 2.
Bumuhos sa Mindanao ang lokal at dayuhang investments. Umigi ang kabuhayan ng mamamayan. In-award ng UNESCO sina FVR at Misuari ng Felix Houphouet-Boigny Peace Prize.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).