MASAMA na nga kung nasusuhulan ang pinuno ng ahensya. Mas masama pa kung nanunuhol siya ng mga mamamahayag. Dalawang kamay para pumalakpak. Naitatago na nga ang katiwalian ng opisyal, ipinapalabas pa sa media na kesyo malinis, masipag at mahusay siya.
Doble-dagok sa taumbayan ang sabwatan ng korap na opisyal at korap na media man. Kapalit ng kickback binabalato ng una ang pondo ng gobyerno sa mga kontratistang banban; palpak ang proyekto at serbisyo ng ahensya. Pine-fake news ng huli ang kung umano’y magagandang nagawa, pero wala namang napakinabang ang madla.
Nilantad sa Pandora Papers ang hepe ng isang departamento. Inulat ng International Consortium of Investigative Journalists na may daan-daang milyong dolyar na deposito siya at pamilya sa British Virgin Islands. Matagal na siya sa gobyerno. Bago ‘yon pipitsuging negosyante siya. Ang $20 milyon ay katumbas ng P1 bilyon; ang mahigit $200 milyon niya ay labis sa P10 bilyon. Meron pa siyang magagarang mansiyon sa iba’t ibang probinsiya.
Bahagi ng kinamal na pera ang buwanang tig-P500,000 na pinantapal ng opisyal sa bibig ng ilang media executives. Gumasta rin siya sa pagdemanda sa mga mamamahayag na hindi nagpasuhol.
Wala na sa puwesto ang opisyal na ‘yon pero hanggang ngayon, nagdurusa ang bayan sa mga kalokohang ginawa niya. Ipinuwesto niya ang mga kapwa korap na kasapakat sa isang dosenang bureaus ng departamento niya. Lahat sila dumugas sa kaban ng bayan; lahat nandambong. Ngayon pa lang nadidiskubre ang mga detalyes.
Apektado rin sa masamang proyekto at serbisyo ang mga sinuhulang media execs at kaanak nila. Pero balewala ‘yon. May mga bagong opisyales nang nanunuhol sa kanila. Tuloy ang raket, ‘ika nga.
Mabuti pa ang linta, kapag busog na sa pagsipsip ng dugo ay kusang bumibitaw sa biktima. Walang pagkabusog ang mga korap.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).