Tinatatagan ng tao ang dibdib at tinataya ang buhay para sa mas mataas na hangarin. Pagmamahal ang nasa isip niya para sa anak, sa bayan, o sa sampalataya. ‘Yon ang pinanggagalingan ng kagitingan.
Tiyak na kabado ang mga Katipunero nang dumalo sa Unang Sigaw ng “Himagsikan!” sa Pugad Lawin. Alam nila na sasagupain sila ng mga sundalong Kastila na asintado sa riple. Walang laban ang bitbit nilang gulok, bambo, sibat na kawayan, at lumang pistol. Ganunpaman daan-daan silang nagtipon, nakinig kay Supremo Andres Bonifacio, at nagpunit ng sedula bilang pagtakwil sa kolonyalista.
Malamang nagmuni-muni si Jose Rizal sa Fort Santiago kung may paraan pa siyang makalusot sa sentensiya ng kamatayan. Tapos malugod niyang tinanggap ang kapalaran. Napagsilbihan niya nang lubos ang Inang Bayan. Napukaw ng kanyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang damdamin ng Pilipino. Naipabatid niya sa pamunuan ng Kastila sa Madrid ang hangaring mga karapatan. Sa isang bisita sa karsel winika niya na minsan lang mamamatay ang sinumang nilalang kaya’t mabuting ialay ang buhay hanggang sa huli sa dakilang simulain.
Hindi nagdalawang-isip si Heneral Gregorio del Pilar na magsilbi na rear guard. Kailangan hadlangan niya ang limandaang tumutugis na sundalo ng America, para makaatras si President Emilio Aguinaldo patungong Ilocos. Gutom at pagod ang 60 tauhan niya. Tinambangan nila ang kalaban sa Tirad Pass. Makailang beses nilang napigilan ang paglusob, miski isa-isang tinatamaan ng snipers mula sa katabing burol. At nang sugurin mula sa likod tinuloy nila ang labanan hanggang lahat ay tamaan ng bala. Walo lang sa kanila, lahat sugatan, ang natira.
Kabayanihan din ang hinihingi sa atin ng pagkakataon: pagsilbi sa bayan at matalinong paghalal sa matinong lider.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).