“Surveillance state” ang turing sa China. May CCTV sa bawat entrance/exit ng gusali, tindahan, kanto, bus, at tren. Masusundan ang lakad ng indibiduwal mula pag-alis sa bahay, pagpasok sa opisina, pagkain sa kantina, pag-commute, hanggang pag-uwi. Nasu-zoom-in ang camera para makilala siya ng husto. Maaring mabatid ng ekspertong lip-reader ang sinasabi niya.
Palusot ng Chinese Communist Party na minamanmanan lang nila ang mga kriminal. Pero sa totoo, inaalam ang ginagawa ng bawa’t mamamayan. Binabasa ng CCP sensors ang social media postings. Inaalam kung sino’ng umaangal sa gobyerno. Binabawalan lumipat ng lungsod ang mga magbubukid at i-enroll ang mga anak sa mga eskuwela doon. Limitado ang pagbiyahe abroad.
Sa Korea inobliga lahat ng mamamayan gumamit ng credit card. Lahat ng transaksyon, mula pagbili ng bahay hanggang pagmeryenda ng tinapay, ay dapat sa credit card. Wala nang bayaran ng cash. Nakatipid ang gobyerno sa pag-imprenta ng pera at paghulma ng barya. Mas mahalaga na buwisan ng gobyerno ang bawat transaksyon. Walang lusot. Lumago ang koleksiyon ng estado.
Sa America binabalak ng Walmart mall chain na manmanan bawat costumer. Sa entrance pa lang ay kikilalanin ito kung may credit card o criminal record. Kung meron itong ibulsang merchandise, agad ito macha-charge sa credit card niya. Ito ang paraan ng Walmart para masawata ang $3 bilyon kada-taon na shoplifting. Tutularan ito ng ibang malls.
Sa Pilipinas salaula sa personal data ang gobyerno at pribadong kompanya. Nu’ng 2016 na-hack ang Comelec database at ipinaskel online ang pangalan, birthday, tirahan, asawa, magulang, at passport number ng bawat oversees voter. Kasabwat ang insiders nai-scam ang mga kliyente ng banko at cellular service subscribers. Nasasa-publiko ng medical testing clinics ang sakit at procedures ng mga pasyente.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).