KARANIWANG solusyon sa malnutrisyon ng bata ay masustansiyang pagkain. Pinupupog sila ng ready-to-use supplementary food, parang chocolate bars at paste gawa sa kanin, lentil, asukal, soya oil at milk powder. Sa mas malalang kaso, therapeutic food galing sa iba’t ibang mani. Pero may bagong tuklas na solusyon sina Dr. Tahmeed Ahmed at Jeffrey Gordon ng Bangladesh at Missouri. Ito ay ang pagpalago ng trilyong uri ng mabuting mikrobyo—microbiome—sa tiyan ng tao.
Normal ang microbiome. Napansin ni Dr. Gordon sa Malawi na sa maraming kambal na bata, isa sa pares ay bansot, putot, payatot. Nakakapagtaka dahil magkasabay silang isinilang, pinalaki sa isang bahay, at pareho ang pinakain. Sa pagsusuri, nabatid na mababa ang microbiome kaya may uri ng malnutrisyong tinatawag na kwashiorkor. Iba pang sintomas: bondat na tiyan, maninipis na muscle, nababakling buhok. Nadiskubre na kapag isinalin ang mahinang microbiome sa lab mice, nagkaka-kwashiorkor din ang mga ito, ulat ng The Economist.
Inaral nina Gordon at Ahmed ang mga bata sa Bangladesh na may malubhang kwashiorkor. Ikinumpara sa malulusog na bata sa slums. Natuklasan nilang hindi nalulutas ng masustansiyang pagkain ang kwashiorkor. Maski pupugin ang pasyente ng supplemental at therapeutic foods, nanunumbalik ang sakit kapag bumago sa normal na pagkain. Sa edad-3, buo na ang microbiome ng bata; pero ang mga may kwashiorkor na ganu’ng edad ay parang sa 1 1/2 taong gulang lang.
Pagpalago ng microbiome ang solusyon, nabatid nina Dr. Ahmed at Gordon. Sumubok sila ng 14 klase ng diet sa lab mice at biik na hinawaan ng kwashiorkor. Tatlong diets ang epektibo panggamot. Isinubok bawat isa sa tatlong grupo ng batang may sakit. Pinakamabisa ang kombinasyong saging, garbansos, mani at soya para palaguin ang microbiome. Sinasaliksik na ng WHO ang paggamit ng lokal na sangkap sa Tanzania, Mali, India, Pakistan at Bangladesh, anang Economist.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).