Sa ikalawang Pasko ng pandemya mahigpit pa rin ang health protocols sa pag-display ng Belen. Hanggang apat na pastol lang ang puwede sa sabsaban. Dapat naka-facemask at social distancing lahat ng tauhan. Maari magtabi-tabi sina Jose, Maria at Baby Jesus bilang family bubble. I-quarantine nang 14 na araw ang Tatlong Hari miski negative sa COVID-19 test dahil bumiyahe. Bawal ang anghel na umaligid sa taas ng crib dahil airborne ang virus. Isang tao lang ang choir para bawas ang tsansa ng kontaminasyon. Walang pastol na mahigit edad-65 at sakitin; hanggang 15 minutos lang ang pagbisita nila. Bawal ang non-essential na tao — mga Romano at makasalanan. Ituturo ni Pontio Pilato ang paghugas-kamay.
Marami sa atin ang nagpe-peregrinasyon sa Holy Land sa online lang. Dahil sa linaw ng audio-video, galing ng narrator at special effects, pakiramdam natin nandoon tayo sa mga eksena sa Bibliya. Kasama tayo ni Child Jesus nawala sa templo. Saksi tayo sa pagbinyag sa kanta. Sumalubong tayo sa kanya sa Herusalem. Hindi natin matignan ang pagkorona sa kanya ng tinik at paglatigo. Natuwa tayo sa kasalan sa Cana dahil — hik! — nalasing din tayo sa tubig na ginawang alak.
Hindi pala bago ang virtual pilgrimage. Noon palang siglo-1400s nasa kumbento lang nila sa Europe ang mga madre na nagpe-peregrinasyon sa Holy Land. Binabasa lang nila ang mga orihinal na tala ng mga sinaunang prayle nu’ng siglo-1200s. Lumalakad din sila ng daang-libong hakbang araw-araw nang dalawang linggo — sa loob ng kuwarto. “Inaakyat” ang mga burol, nag-aayuno, at “sinasabayan” ang pagbuhat ni Hesukristo ng Krus. Hindi kataka-takang nahahapo ang mga madre matapos ang “biyahe”. Nagkakasakit pa ang ilan, ayon sa diaries sa mga libraries sa mga kumbento.
Talagang walang pipigil sa tao sa pagpapatunay ng sampalataya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).