Nu’ng ika-8 siglo ipinabitay ni Haring Shahryar ang kanyang reyna na natuklasang nangangaliwa. At bilang ganti sa kababaihan na kina-pootan niya, nag-asawa siya gabi-gabi pero pinapupugutan ang mga ito sa umaga. Nu’ng inasawa si Scheherazade, nakiusap ito na hayaan siya magkuwento magdamag. Pumayag ang Hari na napanabik sa salaysay. Nu’ng bukang liwayway sinabi ni Scheherazade na sa susunod na gabi ang katuluyan. At nagpatuloy ‘yon nang 1,001 gabi hanggang napaibig sa kanya ang hari at nagsama sila habambuhay. Samantala isinalibro ang koleksiyon ng mga kuwento sa klasikong “1,001 (Arabian) Nights”.
May 90 araw lang ang mga kandidatong presidente na makuha ang loob ng botante. Bingit-buhay ang Republika ngayon sa bagsak ng ekonomiya dulot ng pandemya, pang-aagaw ng China ng teritoryo, kakulangan sa nutrisyon at edukasyon, at ganid ng pamunuan. Kailangan mapanabik nila ang taumbayan sa plataporma nila, para sa Araw ng Halalan ay piliin sila at mga kapartido sa Kongreso at lokal.
Kakaiba ang kampanya ni Leni Robredo. Hindi siya naghahakot ng tao sa rally at nagtatapon ng pondo sa pagkilos. Boluntaryong nag-oorganisa ang mga naniniwala sa kanya, umiisip ng epektibong paraan ng paghikayat sa iba, at gumagasta ng sariling pera sa materyales, pamasahe, pagkain, at komunikasyon.
Huling nasaksihan ang ganitong bolunterismo nu’ng 1986 People Power Revolt sa EDSA at sa maraming plaza at kalye sa kapuluan. Nagkaisa noon ang mamamayan na ibagsak ang diktadurya ni Marcos, wakasan ang patayan at pag-abuso sa karapatan at bawiin ang dinambong na yaman ng bayan — ibalik ang dangal ng Pilipino.
Ganundin ang nararamdaman ng kabataan ngayon, isang henerasyon ang lumipas. Nais nila ihinto ang kawalan ng Diyos, pagsuko sa China, at labis na tiwali at barumbadong lider. Bukambibig hindi kung ano ang “mapo-probetse ko” kundi “matatamasa natin lahat”.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).