NIRARAKET ng opisyales lahat ng kulungan. Nabisto nu’ng Pebrero na may mobile phones ang mga banyagang detainees ng Bureau of Immigration and Deportation. Dahil du’n, nakakapag-utos ang isang Yakuza gang boss ng mga holdap sa Japan. Sinusuhulan niya ang opisyales ng BID para sa pribilehiyong magka-telepono.
Ganundin sa Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology. Nagbabayad ang mga nakakulong para payagang magpuslit ng alak, droga, armas, mobiles, appliances, kama, at babae.
Pinakamatinding raket ang pagkain. Milyong piso kada-araw.
Seventy pesos ang BuCor budget pang-almusal, tanghalian, at hapunan ng isang preso bawat araw. Pero halagang P39 lang ang pinakakain sa 49,000 bilanggo. Ang P31 ay kickback ng opisyales.
Kuwentahin: P31 x 49,000 = P1,519,000 kickback araw-araw. Sa isang taon ay P554,435,000.
Sa kanilang termino nagiging mga bilyonaryo ang opisyales. Pero kapalit nu’n ay buhay ng mga bilanggo. Walang sustansiya ang ipinakakain, sumbong sa Senado ng isang preso nu’ng 2019. Libu-libo ang namamatay kada-taon sa sakit at kawalan ng bitamina. Bale wala ‘yon sa opisyales. Sa bawat mamamatay, may papalit na bagong sentensiyado. Kaya tuluy-tuloy ang raket.
Supplier lang ng hilaw na sangkap ang kontratista. Taga-deliver ng gulay, asin, at konting isda’t karne. Nag-aambagan ang mga preso para sa kalan, panggatong, at mantikang pangluto. Sagot ng BuCor ang tubig para pangsabaw, binisto ni noo’y Director General Bato Dela Rosa. Nireporma nang bahagya ang kalakaran. Tapos, balik sa lumang raket.
Para sa sustansiya, dinadalhan ng pagkain ng kaanak ang mga preso. Pati ‘yon ay niraraket. Naniningil ang mga guwardya para ipasok ang ulam. Siyempre, tinitikman muna nila ito.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).