MULA 2018 humihingi ng tulong ang maliliit na magbababoy kontra sa African Swine Fever. Nangamamatay ang mga alaga nila sa bakuran sa sakit na walang gamot. Ayudahan sana sila ng gobyerno para palitan ng malulusog na biik ang mga impektado. Ang naging sagot ng gobyerno sa tumaas na presyo ng pork ay umangkat ng libu-libong tonelada. Sa pagbaha sa palengke ng murang pork mula abroad, nangalugi ang mga magbababoy na may natitirang malulusog na alaga.
Sinabayan pa ng gobyerno ng pag-import ng manok. Sa pagbaha sa palengke ng poultry mula China, nangalugi ang mga magmamanok. Maraming nagsara dahil sa milyon pisong puhunan na nalusaw.
Nagpapaangkat din ang gobyerno ng 60,000 tonelada ng galunggong, mackerel at sardinas. Kinakapos ang huli ng commercial fishing fleets at maliliit na mangingisda dahil sa pambubusabos ng China sa West Philippine Sea. Ang tugon dapat du’n ay protektahan ang mga Pilipino para makapangisda. Gayundin, ang paghikayat sa mamimili na bumago sa tilapia at bangus na labis-labis naman ang supply. Sa pagbaha sa palengke ng imported seafood, nakawawa ang mga nagpapalaki ng tilapia at bangus sa fishponds at fish pens. Ang ini-import na isda mula China ay nakaw sa ating karagatan.
Pati ang mga kadikit na negosyo ay napisok. Dahil sa imported pork, poultry at seafood, bumagsak ang kita ng mga gumagawa at nagbebenta ng pakain at patuka. Nanlupaypay din ang mga gumagawa ng lambat at iba pang kagamitang pangisda, pampalaisdaan, pang-piggery, at pang-poultry. Lagapak ang mga biyahero at mamamakyaw.
Pinapayaman ng gobyerno ang mga dayuhan at importers. Kumokonti ang domestic producers.
Dapat ang tulungan ng gobyerno ay ang lokal. Palaguin ang mga negosyo nila para dumami ang produksiyon. Sasapat at magiging mura ang pagkain. Lulusog ang mga Pilipino at tatatag ang ekonomiya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).