SAAN mang bansa, hindi lang sundalo ang lumalaban sa manlulupig. Pati ordinaryong mamamayan na nagmamahal sa kasarinlan ay sumasagupa.
Ganun sa Ukraine na nilusob ng Russia nu’ng Feb. 2022. Nagbuhat ng armas ang reservists—lalaki’t babae, matanda’t bata, mayaman at mahirap—at tumungo sa frontlines. Ang mga naiwan sa pagawaan at parang ay patuloy nagtrabaho at nagsaka para pakainin at bigyan ng kagamitan ang mga manlalaban.
One-sixth ng teritoryong Ukraine ang nasakop ng Russia. Doon, hindi sundalo ang nakikibaka, kundi mga gerilya. Hindi sila mga tipikal na gerilyang gutom at gusgusin na napapanood sa sine. Nasa bahay at opisina sila. Tahimik na gumagawa ng aerial drones at pampasabog.
Isa sa kanila ay may-ari ng pabrika. Binulungan niya ang ilang empleyado na mag-assemble sa gabi ng drones mula sa piyesang kahoy at turnilyo. Kinakabitan ito ng bomba na ibinabagsak sa tangke, armored personnel carrier at quarters ng kalaban. Marami silang nalilipol.
May umaangkat mula China sa presyong $6.50 kada makina ng drone. Naisip niya na malamang putulin ng Chinese ang supply dahil panig ito sa Russia. Umimbento siya ng sariling makina; halaga: $2 lang.
Pinaskel online kung paano kumumpuni ng drones, makina at bomba kaya dose-dosena ang mga modernong gerilya.
Mas maraming Russians ang bihasa sa teknolohiya. Pero ‘di tulad ng Ukrainians, wala silang motibasyon lumaban. Kalahating milyong kabataang lalaki ang umalis sa Russia para umiwas sa sapilitang pagsusundalo. Maraming Russians ang galit kay President Vladimir Putin. Baka sila pa nga ang nagbagsak nu’ng Mayo ng drone bomb sa Kremlin (katumbas ng White House at Malacañang sa Moscow).
Paano kaya kung giyerahin ng China ang Pilipinas?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).