Maagap ang engineering at technology students sa Europe at America. Sa crowdsourcing tumutulong sila sa paglutas ng cybercrimes, lalo na pambubudol sa consumers.
Sa Germany nagyabang ang isang ministro na wala raw dapat ikabahala sa artificial intelligence. Pagkatapos ng talumpati, kinuha ng computer students ang basong ginamit niya. Kinopya ang fingerprints at lip marks niya sa baso. Kinumpara sa fingerprints at lip marks sa condo ng kanyang querida, at ibinigay sa misis. Nag-resign siya sa kahihiyan.
Maagap din ang mga Pilipinong mag-aaral. Sa University of the Philippines tumutulong sila sa pagbuo ng mga alituntunin sa paggamit ng AI apps tulad ng ChatGPT.
Parami nang parami rin ang engineering at technology students na pinagle-lecture sina dating information-communications technology secretary Eliseo Rio, ex-Comelec commissioner Gus Lagman at dating Finance Executives Institute president Franklin Ysaac. Inaaral nila kung paano unti-unti natuklasan ng tatlo ang pandaraya nu’ng 2022 presidential/VP elections.
Electronic communications engineer si Rio at dating hepe ng AFP Communication Electronics Group. Computer scientist si Lagman at dating presidente ng Philippine Computer Society. Si Ysaac na finance expert ay computer security consultant ng maraming banko. Binansagan silang Truth and Transparency (TNT) Trio.
Paano nila natuklasan ang private IP address 192.168.0.2 na ginamit sa bulusok ng 20 milyong boto nu’ng unang oras ng bilangan, May 9, 2022? Posible ba ang palusot ng Comelec na isa lang kasi ang Internet Protocol address ng 20,300 modems na ginamit? Lalabas ba ang sagot kung isa-publiko ng Comelec ang transmission logs ng bilangan?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).