Dumadagsa ang hinaing ng mga babaing hinihipuan sa jeepneys. Pero hindi akma ang solusyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Isumbong daw agad ng biktima sa tsuper ang manyakis. Ihinto raw dapat ng tsuper ang jeepney, sawayin at pababain ang nanghahalá, o kaya’y i-report sa traffic enforcer.
Delikado ang payo ng LTFRB. Paano kung ma-distract ang pagmamaneho at maaksidente ang jeepney? Paano kung saktan ng manyakis ang tsuper? Paano kung walang traffic enforcer, na nasa malalaking lungsod at tuwing rush hour lang?
Dumarami ang krimen sa kalye: pandurukot, pangingikil, panggagantso. Umaangal ang Philippine National Police na kesyo raw sa social media nagre-report ang mga biktima imbis na sa presinto.
Pero ‘yun ay dahil nagdududa ang mamamayan sa pulisya. Protektado ng pulis ang mga kriminal na “assets” din nila sa operasyon.
At, wala namang pulis sa kalye. Karamihan ay kapritsosong nagpapa-assign sa special units: Special Investigation Division, Special Operations Group, Special Weapons and Tactics, Special Mami, Special Siopao. Wala nang nakatalaga sa regular duty na street patrol. Sige nga, masdan kung may nagdidirekta man lang ng trapik sa mga kalye sa paligid ng Camp Crame PNP general headquarters.
Nag-sorry ang Bureau of Immigration and Deportation dahil sa airport officers na walang kabuluhang magtanong sa departing passengers. May mga nanghihingi ng bank certificates, college yearbook, at titulo ng bahay at lupa bilang katibayan na hindi pekeng biyahero ang inuusisa. Naghihigpit lang daw sila kontra human trafficking.
Palusot! Wala naman halos naipakulong na human trafficker ang BID. Nakakawawa lang ang pasaheros. Sa 32,404 Pilipinong inantala o hindi pinasakay sa flight, 472 lang ang biktima ng trafficking, o 15 sa bawat 1,000 katao. Pabigat sila sa balikat natin!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).