BUMILI ng bawang sa grocery si Atty. Virgie Suarez. Nagulat siya sa presyo: P400 per kilo ang lokal, P140 per kilo ang imported. “Bakit mas mahal ang tanim sa Pilipinas?” tanong niya. “’Di ba may import duty ang galing China? ‘Di ba pang-ayuda sa lokal na magtatanim, maghahayop at mangingisda ang koleksyon?”
Transportasyon ang pangunahing nagpapamahal sa pagkain. Dahil sobrang mahal ng gasolina ng bangka at barko, limitado na ang kilos ng maliliit at commercial fishers. Kalahati ng kapital nila ay sa fuel nagagasta, ani Jonjon Santos, presidente ng Association of Fresh Fish Traders. Kapag lumaki ang alon, bilog ang buwan, at malayo ang distansiya, hindi na lang sila lumalayag. Kung may huli sila, ipinapatong ang halaga ng gasolina sa bentahan. Kung walang huli, nagmamahal din ang isda dahil kapos sa supply.
Hindi mahakot ang 60-toneladang ani ng bawang sa Itbayat, Batanes dahil walang pier. Umaangkla nang malayo ang barko at hinahatid na lang doon ng mga tataya (maliliit na bangkang walang katig) ang ani. Siyempre maniningil ng labor at gasolina ang naghahatid.
Bukod pa ang gastos sa truck. Dagdag ito sa halaga ng bigas, mais, gulay, prutas, asukal, asin, manok, baboy, isda.
Maraming gastusin sa pier. Sa pagpasok at paglabas ng barko sa port, kailangan bayaran ang harbor pilot para magparada at maglabas nito. Depende sa laki ng barko, P3,000-P5,000 ang singil sa “valet parking”. Sa isang pribadong port sa Batangas, P25,000 ang singil ng harbor pilot sa bawat barko.
Meron pang stevedores, mga trabahador na sasampa sa barko para magkarga at magdiskarga. At arrastre, iba pang mga taga-karga at diskarga sa trucks. Negosyo ‘yan ng mga lokal na politiko.
At huwag kalimutan ang police checkpoints. Iniitsahan sila ng pera para huwag abalahin ang mga biyahero ng pagkain.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).