Binaha ng tatlong buwang ulan ang Pakistan. Pero natuyot ang kapit-bansang India. Ulan tapos tuyot sa Australia. Nagbunsod ng mudslides ang bagyo sa Brazil. Nalanta ang East Africa sa pang-apat na taon ng tag-tuyot. Dinanas ng Europe ang pinaka-matinding heat wave sa 500 taon; natuyo ang mga ilog. Winasak ng 70-araw na tuyot ang pananim sa China. Sobrang init at mahalumigmig sa Pilipinas.
Iba’t iba ang dahilan ng salot sa klima nitong summer 2022. Pero lahat nauugat sa La Niña weather phenomenon. At dapat masanay na tayo, babala ng mga eksperto. Uulit-ulit pa ang La Niña, saliksik ni Caroline Wainwright, climate scientist sa Imperial College London.
Masaklaw ang epekto sa mundo ng El Niño. Nagsisimula ito ng Disyembre, magpa-Pasko, kaya ipinangalan sa banal na bata. Normal na humihihip ang hangin mula east Pacific Ocean patungong west. Banayad ang hihip ng anim na taon. Umiinit sa Asia-Australia, kasama ang Pilipinas. Kabaliktaran, maulan sa Central at South America.
Karaniwan sa ikapitong taon tumitindi ang El Niño. Ilang buwan natutuyot ang Asia-Australia. Tapos, babawi ang klima. Nagkaka-La Niña. Isang taong maulan sa west Pacific. Sa Central at South America naman, nagkaka-tuyot. Nasanay diyan ang magsasaka, mangingisda, maghahayop at mandaragat ng magkabilang panig ng Pacific. Isang taong mas matinding init sa Middle East, North Africa at Chile.
Sinira ng global warming ang climate cycle, ulat ng Economist. Dalawang sunod na taon mula Disyembre 2020 nagka-La Niña. Dahil mas mainit ang planeta, mas maraming moisture sa hangin — dagdag na 7% moisture sa bawat 1º Celsius na init. Kaya mas malalalang bagyo at baha, hindi lang sa Pakistan. Pati sa Angola sobrang ulan ang tumama. Pero namatay sa init ang corals sa Great Barrier Reef, Australia.
Sa Pilipinas, nagka-typhoon Ulysses nu’ng Nobyembre 2020 at typhoon Odette nu’ng Disyembre 2021. Humanda ngayong 2022-2023.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).