Aabutin nang dalawang panguluhan, o 12 taon bago makabangon ang kabuhayan, ani Sen. Panfilo Lacson. Dahil ‘yan sa lalim ng pagkabagsak bago at habang pandemya, dagdag ni ekonomista at dating Bangko Sentral deputy governor Diwa Guinigundo. At para umangat muli kakailanganing ayusin ang mga nawasak na institusyon, pahabol ni beteranong mamamahayag Vergel Santos. Pinagsanib ko ang hiwa-hiwalay na pagsusuri nila sa kinabukasan ng Pilipinas.
Isang milyong maliliit na negosyo ang nawasak ng lockdowns nu’ng 2020. Kaya 27 milyon agad ang nawalan ng trabaho at kalahati pa lang ang nakabawi sa ngayon. Napulitika ang pagtugon sa krisis pangkalusugan. Mabagal ang pagbakuna kontra COVID-19. Inuna pa ang pangungumisyon mula sa face masks, face shields, coronavirus testing kits, at personal protective equipment.
Naging tuta ng Malacañang ang Kongreso. Pinuno ng mga kakosa ang Korte Suprema, Ombudsman, Comelec. Binusalan ang Commission on Audit, Simbahan at media. Ginawang mamamatay-tao ang pulis. Iniatras ang Armed Forces sa pagdedepensa kontra manlulupig.
Hinaharap ng mga Pilipino ang bawat Bagong Taon nang lubos ang pag-asa. Mas iigi ang buhay, anila sa mga surveys. Pero depende rin ito sa kilos ng madla. Mahalaga ang wastong pagpili ng bagong Pangulo. Pati na rin ng mga senador, kongresista, at lokal na opisyales.
Dalawa ang pamantayan sa pagkilatis sa kandidato. Una, karakter. Mabuti ba ang pagkatao, pinag-aralan at pinanggalingan niya? O tapos nga ng kolehiyo pero masama ang ugali at minumura ang Diyos? Ikalawa, kapasidad. May talino ba ito, pala-aral at pala-isip para sa tao, at masigasig? O tamad magbasa, nagpapadala lang sa huling bulong, at inuuna ang sarili at cronies bago ang taumbayan?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).