TUWANG-TUWA ang Communist China. Inaasinta ng mga kulaboretor nito ang apat na pinakamataas na posisyon sa Pilipinas sa Eleksyon 2022. Kunwari away-away sila sa kampanya. Pero kung manalo, magkakaisa sila para isuko sa Beijing ang angking yaman ng ating bansa.
Nais ni Bongbong Marcos pumalit kay President Duterte. “Tama” raw ang pagiging duwag sa China. Didisarmahan ni BBM ang ating Navy at Air Force. Wala raw saysay bumili ng barko at jets dahil wawasakin lang ito ng China sa isang linggong labanan. Hindi naman pandigma ang mga ‘yon, kundi pampatrulya ng karagatan at air space natin. Kung wala nu’n, lalong nanakawin ng China ang isda at bahura.
Masunuring alalay si Bong Go ni Duterte. Tulad ng amo, gagawin niyang “probinsiya ng China ang Pilipinas.”
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Kung ano ang puno, siyang bunga. Kung mag-VP si Sara Duterte, tutularan niya ang pagka-sipsip ng ama kay President Xi Jinping.
Kung mag-Senate President si Duterte, ipipilit niya maratipika ang mga tratado na pabor sa China, tulad ng pagbigay ng krudo at gas natin.
Balak ni Gloria Macapagal Arroyo mag-Speaker uli. Siya ang orihinal na tuta ng China. Nilabag niya ang Konstitusyon para sa 2004 Joint Marine Seismic Undertaking sa China. Ipina-survey ang yamang-dagat sa teritoryong Palawan Sea at exclusive economic zone natin. Nang matuklasan ng China ang yaman ng lugar, inangkin niya ito nu’ng 2009. Walang kopya ang Pilipinas ng marine survey, bagama’t nag-ambag ang gobyerno natin ng $5 milyon (P250 milyon). Nagpauto si GMA.
Para itong halalan nu’ng matapos ang World War II. Hindi hinangad ng mga kulaburetor iangat ang Pilipino mula sa pagkalugmok. Dalawang paksiyon ng mga traydor ang naglaban para presidente at senador. Na-etsa-puwera ang mga dating gerilya na lumaban sa Hapon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).