
Halaw ito sa Facebook page na Better Human ng Project Nightfall. Pinamagatang “Isang libong beses na mas nakamamatay: Ang maling gamot na kumitil sa dose-dosenang kuwago”.
Nu’ng 2021 namatay ang 42 kuwago dahil sa maling food supplement. Umorder ang mga tagapag-alaga ng Owlpromix, gawa ng Asuka Animal Health ng Japan. Akala nila sisigla ang mga alaga. Mali.
Simula pa lang, nakitaan na ng neurological distress ang mga ibon. Nawalan sila ng balanse, nag-kombulsyon, at malubhang nagkasakit.
Sinikap iligtas ang buhay ng 42 alaga. Sawi. Naglunsad ng malawakang imbestigasyon. Sinuri ng veterinarians at eksperto sa lason ang diyeta ng mga ibon. Pero wala namang masamang karne o lason na naipakain.
Sinuri ang supplement na Owlpromix na binili sa Japan. Natulala ang mga imbestigador sa natuklasan nila. Kinopya ang supplement sa isang British formula. Pero imbis na 1 milligram ng Vitamin B6, 1 gram ang ihinalo. Tepok!
Ang dosage na 1 milligram ay naging 1 gram – isang libong beses mas matindi, kaya nalason ang mga ibon.
Importante ang Vitamin B6 para sa mga alagang hayop. Hinahalo talaga ito sa food supplements. Pampasigla ng katawan.
Pero ang sobrang Vitamin B6 ay nakasasama. Nalason ang mga kuwago sa overdose.
Leksyon ito sa lahat ng nag-aalaga ng aso, pusa, ibon, isda, atbp. sa bahay. Pag-ingatan ang dosage ng pakain. Hangga’t maari, bumili ng subok na pakain.
Kung minsan nagbibigay tayo ng gatas na pangtao sa alagang hayop. Timplang pang-batang musmos ang ginagawa natin. Mali ‘yon. Matindi ang epekto sa hayop ng gatas na pangtao. Maaring ikasira ng atay, bato, tiyan, at bituka ng alaga.