NAGTATAMBAKAN at atrasado ang bagahe sa maraming airports sa mundo. Dumarami na muli ang biyahe pero kokonti lang ang baggage maintenance personnel. Sa hotels at tourist resorts kapos din ang service at cleaning staffs. Ni-layoff kasi karamihan sa kanila nu’ng pandemic lockdowns. Natuto na sila ng ibang hanapbuhay, halimbawa pagluluto o pag-deliver ng bilihin, kaya ayaw nang bumalik sa dating trabaho.
Sa maraming opisina inoobliga ang mga empleyado na pumasok. Pumapalag ang mga nasanay na sa work-from-home. Ayaw na nila sumabak sa trapik o makipag-agawan sa sasakyan, kung kaya naman gawin ang trabaho online.
Ganundin ang mga estudyante sa kolehiyo. Bakit pa kailangan ng face-to-face classes kung puwede namang online, katuwiran nila.
Dapat masanay na sa “bagong normal” na pamumuhay. May mga trabahong kailangan talaga pasukan, tulad ng sa assembly line o talyer. Pero may mga gawain din na puwede na sa bahay. Bigyan lang ng assignment o quota ang empleyado, at sukatin ang output. Bawas pa sa gastos sa office space at utilities. Bawas din sa vehicle emissions ng trapik. Iwas sa walang kabuluhang miting, bullying at sexual harassment sa opisina.
Panahon na rin umentohan ang sahod sa mga trabaho na kapos sa tauhan. Bigyan sila ng mga kagamitang pampagaan sa gawain: halimbawa pambuhat sa mabibigat na bagahe o vacuum cleaners sa travel at tourism industries.
May subjects din sa kolehiyo na dapat pasukan. Face-to-face, itinuturo ang paggamit ng makina o pagmaneho ng barko. Pero puwede na sa online ang mga klase sa History, Philosophy o Literature. Masusukat ang mga estudyante sa sina-submit na assignments at partisipasyon sa online discussions.
Huwag ipilit ang luma. Bago na ngayong post-pandemic.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).