Mangmang ba o nagmamaang-maangan lang ang mga komunistang pinuno ng China tungkol sa South China Sea? Sila lang ang makakasabi. Basta ipinipilit nila na kanila ang dagat dahil daw “Chinese ang unang nakatuklas at nagpangalan sa Nansha Islands.”
Sa totoo, kinopya lang ng Chinese ang Nansha sa British, saliksik ni Bill Hayton sa librong “South China Sea: The Struggle for Power in Asia”. Palipat-lipat pa ang Nansha, ibig sabihin “southern sand” sa mga mapang Chinese. Nu’ng 1935 tinukoy ng Nansha ang mababaw na dagat ng Macclesfield Bank mula sa barkong British. Nu’ng 1947 nilipat ng China pa-timog sa mapa ang Nansha para tukuyin ang Spratly Islands.
Unang tumuntong ang sinumang Chinese official sa Spratlys nu’ng Dec. 12, 1946. Bago ‘yon, naangkin na ng Britain at France ang dagat. Unang dumaong ang delegasyong Chinese sa Paracels nu’ng June 6, 1909. Nakisakay sila sa barkong German ng kompanyang Carlowitz. Isang araw na ekspedisyon lang pero nagyayabang na ang China, at hinahamon ang mga kapit-bansa at mundo.
Batay ‘yan sa mga datos ng kasaysayan na inaral ng mga malayang iskolars. Pero banggitin ‘yan sa mga Chinese at iismid sila. Bata pa ini-indoctrinate na sila sa eskuwela ng pekeng kasaysayan. Inuulit-ulit ito sa media na kontrolado ng Komunista. Iginigiit ng Chinese embassies. Kasama ang SCS sa mapa ng China sa passports nila.
Paano lumaganap sa kaisipang Chinese ang claim na ‘yan na wala namang basehan sa dokumento at mapa? Sinuri ito ni Hayton.
Tila nagsimula ang kuwento sa unang Opium War, 1840, kasunod ang tinatawag ngayon ng Chinese na “isang siglo ng pambansang pagpapahiya”. Nilupig ang China ng mga kolonyalistang European at Japanese. Pinaghatian ang mga siyudad. Inalipin ang mga tao. Prinenda ang gobyerno sa malalaking banko. Kailangan daw maibangon ang puri ng China.
(Itutuloy)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).