Walang duda mas malakas ang lalaki kaysa babae. Dahil ito sa bulas at masel. Bukod du’n hindi nagbubuntis ang lalaki.
Pero bakit sa mga institusyon na tinuturing na panlalaki ay nangunguna ang mga babae? Ilang dekada nang mga babae ang top cadets sa Philippine Military Academy. At nitong Marso 2023 lima sa sampung honor cadets ng Philippine National Police Academy ay babae.
Sa board exams ng abogasya, medisina, inhinyero, arkitektura, at edukasyon ay mga babae rin kalimitan ang topnotcher.
Hindi lang ito sa Pilipinas kundi pati sa ibang mayayaman at mahihirap na bansa. Sa university entrance exams top placers ang mga babae. Pati sa ilang mahihirap at maseselang trabaho ay babae ang pinipili: regular at underwater metal welding, high-speed sowing, factory production line quality inspection, paglilinis ng mga babasagin, pati pagbubunot ng damo sa taniman.
Madaling ikatwiran na ‘yon ay dahil mas maselan at mas masusi ang babae, samantalang brusko, palaboy, at pabaya ang lalaki. O kaya mas sinanay ng magulang ang babae nu’ng bata sa mga gawain habang spoiled at puro laro lang ang lalaki.
Sana gawan ito ng seryosong pag-aaral ng psychology at physiology. Maaring baguhin ng pag-aaral na ‘yon ang lipunan.
Sa ngayon kasi mas malamang maging heneral ng army, prime minister ng gobyerno, o presidente ng bansa ang lalaki. Mas maraming lalaki ang chairman of the board ng kumpanya, supervisor sa pabrika, sundalo, pulis, tsuper. Mas mataas ang sahod ng lalaki kaysa babae sa parehong posisyon. Mas malamang ma-promote sa ranggo ang lalaki.
Maraming Pilipina ang naghahanap ng mapapangasawang dayuhan. Tamad daw kasi ang Pilipino. Totoo ba ‘yon?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).