LAHAT ng kandidato kinikilig sa campaign rallies. Matao man o matumal, pareho ang epekto sa kanila. Iniisip nila mahal sila ng mayorya. Napapaasa silang mananalo sa Araw ng Halalan.
‘Yon ang epekto sa isip ng anomang kumpulan ng tao. Sa bleachers ng sports stadium sabay-sabay lumulundag at humihiyaw ang magkakatabi, maski hindi magkakilala, kapag naka-score ang koponan. Sa prusisyon napapalakas at napapataimtim ang dasal at awit ng mga mananampalataya. Sa music concert sabay-sabay umiindayog ang mga fans. Ngumingiti, yumayakap at nagha-high-five ang mga tao sa estranghero. Pakiramdam nila sa kumpulan na ang dami pala nilang magkakapareho ng paborito at pananaw. ‘Yan ang lakas ng hatak ng kumpulan, ani Elias Canetti sa 1960 aklat na “Crowds and Power”.
Ang masaklap, karamihan ng kandidato ay matatalo dahil sa ilusyon ng kumpulan. Ang marurunong at sanay lang ang magwawagi.
Alam ng beterano sa kampanya na kalahati lang ng pondo ang ginagamit sa rallies, sound systems, venues, pasilidad, pakain, posters, banderitas, leaflets, media ads at sasakyan, pati eroplano at helicopters.
Ang nalalabing kalahati ay para sa Araw ng Halalan. Wala ng rallies at kampanya nu’n. Dapat gastahan ang pagtalaga ng isang watcher sa bawat presinto. Kung pambansang kandidato—presidente, VP, senador, party list — mahigit 100,000 watchers ito. Tig-P3,000-P5,000 na sahod, idagdag pa ang pang-almusal, tanghalian, hapunan, dalawang meryenda, pamasahe, cellphone load, uniform, ballpen at ID card.
Mga tungkulin ng watcher: Kontrahin ang dayaan sa presinto, tulad ng pagkulay sa balota bago pa man ibigay sa botante. Pagseguro na umaandar ang vote-counting machines at neutral ang election inspectors. Paghadlang sa flying voters. Pagmanman sa vote-buying. Pag-retrato sa nanggugulo. Pag-report ng precinct count sa campaign headquarters.
May gastos din sa mga abogado sa canvassing: tig-P50,000 pataas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).