NAKIKINIG ang madla kapag nagsasalita si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, dating PNP general. Ibang uri siyang opisyal. Malalim, may integridad. Kaya nga siya ang ginawang pinuno ng Mamasapano Commission na nag-imbestiga ng masaker ng 44 PNP Special Action Force commandos, 2015. Kasama rin siya sa komiteng sumuri ng record ng 954 PNP heneral at koronel na nag-courtesy resignation, 2023.
Ani Magalong, payag naman ang mga MUP—military and other uniformed personnel—na bawasan ang suweldo para sa retirement pension. Taliwas ito sa saad ng 1987 Constitution at 1936 Commonwealth ct No. 1. Pero magsasakripisyo sila, aniya, para maiwasan ang fiscal crisis.
Pero nagtataka si Magalong. Aniya, bakit wala ni isang senador o kongresista na nag-boluntaryong isuko ang kanilang tig-bilyon pisong pork barrels para sa kapakanan ng bansa. Bilang mayor, aniya, alam niyang may pork barrels ang mga ‘yon mula sa DPWH.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Pangunahin du’n ang taunang flood controls, dredging ng ilog o lawa na hindi naman masukat kung maayos ang pagkagawa. Umaandar lang ang dredger kapag may opisyal na nag-iinspeksiyon, nilantad ng dating senador at PNP chief Panfilo Lacson.
Kapag binabatikos ni Magalong ang korapsyon, nagbibingi-bingihan ang ibang opisyal, kunwari may ka-text sa mobile.
Nagkukutsabahan mandambong ang political dynasts sa Ehekutibo at Lehislatura, sa pambansa at lokal. Sila-sila lang ang nasa poder, sila-sila ang kumakamkam ng yaman ng bayan. Nagtatakipan pa.
Sa kahihiyang dinulot ng “Love the Philippines” ni DOT Sec. Christina Garcia Codilla Frasco, 62 pambansa at lokal na dynasts ang nag-statement na kesyo sinasabotahe raw siya. Walang umuusisa sa “government-sponsored cartel” sa asukal na biniyayaan ng Malacañang ng bilyon-bilyong piso. Pati oposisyon ay sumanib sa super majority para sa pork barrels. Tinalikuran ang serbisyo publiko.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).