“Minamasdan kita nang hindi mo alam; pinapangarap kong ikaw ay akin; mapupulang labi at matingkad mong ngiti umaabot hanggang sa langit.” Damang-dama sa awit ni Ronnie Liang ang akit ng “Ngiti”.
Ang ngiti ay pinaka-pino, pinaka-simpleng pakikipag-usap nang walang salita. Nagpapahiwatig ang ngiti ng sinasaloob: saya, sarap, sang-ayon, pagkaibigan, pasalamat, paumanhin, tiyaga, hinhin, intindi, asam. Kung minsan nga pati kabaliktaran ng mga damdaming ‘yan ay dinaraan sa ngiti. Miski mga estranghero ay nagngingitian. Walang usap-usap naipapahiwatig ang respeto, pagpaunlak, pasensiya.
Kung natural sa tao sumimangot kapag nayayamot, natural din ngumiti kapag nagagalak. Imposibleng hindi ngumiti ang sinaunang tao nu’ng magsilang ng sanggol, makabitag ng usa, o mapawi ang pagod. Apat lang na muscles sa mukha para ngumiti, 26 para sumimangot. Miski tulog ang tao napapangiti dahil sa katiwasayan ng pakiramdam o magandang panaginip. Walang pinipiling edad, pati sanggol ngumingiti.
Nagkaroon ng panahon sa sining nu’ng ang mga satyr, centaur at si Bacchus lang ang nakangiti — sa kalasingan; seryoso o nakasimangot ang mga diyos at diyosang Roman, Greek at Norse. Malimit ipinta ang demonyo at mga tuso nang naka-”ngiting aso”, pero sa ating mga Pilipino ‘yon ay ngisi. Ngayon sinasabi nating “Cheese!” para mahuli sa retrato ang ngiti. Pero walang tatalo sa Mona Lisa ni Leonardo da Vinci: nahuli niya ang “gayuma” ng ngiti ng babae, sa saglit bago mahati ang mga labi at ipakita ang ngipin.
Sinira nitong COVID-19 ang ngiti. Ngayon kailangan naka-face mask at shield. Natakpan ang labi; pati sa mata, pisngi at tono ng boses napawi ang ngiti sa tumitingin at naghihintay nito. Sa bahay na lang, kapag nag-iisa o sa ka-bubble na lang nakakangiti. Pero napapangiti ako sa pag-asang lilipas din ang krisis na ito.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
