HUWAG tayo magpa-Niños Inocentes sa kumakandidatong kongresista, lalo na kung re-electionist. Alamin natin kung maka-Pilipino sila o maka-Communist China pala. Mahalaga ang katapatan sa bansa imbis na sa China, na umaagaw sa yamang dagat at ekonomiya natin.
May mga pamantayan sa katapatan ng kumakandidatong incumbents at sa ka-dynasty nila. ‘Yon ay ang boto nila sa dalawang panukalang batas na pabor sa Communist China. Unang panukala ang pagpayag sa 100% na pag-aari ng dayuhan sa public utilities, tulad ng telecoms at transportasyon. Ikalawa ang pagpayag sa direktang prankisa ng dayuhan sa natural resources, tulad ng oil, gas at lupa.
Kontra sa Konstitusyon ang dalawang panukala. Kriminal ang mga kongresistang sumusuporta du’n. Nilimitahan ng Konstitusyon sa 40% ang pag-aari sa public utilities. At sa natural resources mga Pilipino lang ang puwede. Makakapasok lang ang dayuhan sa financial-technical assistance; walang kontrol sa prankisa.
Kung payagan ang 100% dayuhan sa telecoms, mabibili ng state-owned China Telecom ang Dito Telecommunity. Magiging puro Chinese na ang management. Wala nang hadlang sa paggamit ng spyware at malware para espiyahan at i-cyber-sabotage ang Pilipinas.
Sa transportasyon, itatayo at patatakbuhin ng state-owned China Construction Communication Corp. ang Sangley International Air/Seaport. Patatalsikin ang Philippine Navy roon. Makokontrol ng China ang pasukan at labasan ng Manila, capital ng Pilipinas.
Sa natural resources, maibebenta ni Dennis Uy sa state-owned China National Overseas Oil Corp. ang Malampaya gas field. Makokontrol ng kaaway ang source ng 40% ng kuryente ng Luzon. Maari i-blackout ang rehiyon. Mabibili ng China ang Subic, Cagayan at Aurora Freeports. Hindi na kailangn ng Intsik mag-asawa ng Pilipina; mapapakyaw na nila ang mga bukirin, bahayan at reclamations.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).