Dahil sa bilis at sigasig ng ilang mayor at gobernador, nadagdagan ang bakuna kontra COVID-19. Disyembre 2020 pa lang umorder na sila ng Pfizer, Moderna, AstraZeneca, at freezers na akma sa bawat isa. Hindi sila nagpatali sa iisang brand o bansa, na inasal ng Malacañang nu’ng simula. Nagkakapag-asa tayong makaalis sa pandemya.
Isa sa mahahalagang leksiyon ‘yon; dapat ilatag palagi ang papel ng mga lokal na pinuno. Dati nang patakaran na manguna sila sa panahon ng sakuna, at huwag umasa sa Malacañang. Pero ‘yon ay dahil lokal din ang mga sakuna: bagyo, baha, lindol, sabog-bulkan, landslide, tsunami, sunog.
Pero dahil pambansa ang pandemya – pangmundo pa nga – kinailangan sa lebel ng gabinete ng Inter-Agency Task Force on Management of Emerging Infectious Diseases. Ganunpaman, ang mga desisyon ng IATF ay sa mga mayor at gobernador pa rin ipinagawa. Kaya dapat may mekanismo para obligadong konsultahin sila ng IATF.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Maiiwasan ang hidwaan, tulad ng lalawigan ng Cebu kontra lockdowns ng IATF. Maiiwasan din ang pagkaudlot sa pamamahagi ng ayuda sa Bayanihan Act dahil hindi idinaan ng Malacañang sa mga lokal.
Pinakamalala ang pagkalat ng impeksiyon sa mga maralitang taga-lungsod. Hindi sila makasuot ng face mask at face shield dahil walang pera. Hindi makapag-safe distancing dahil maliliit at siksikan ang mga kubo. Hindi makapaghugas-kamay nang malimit dahil walang tubig.
Leksiyon: Buwagin na ang slums. Ilipat ang mga maralita sa mga tenements at wastong pabahay. Kumpleto dapat ang pasilidad: tubig, kuryente, wifi, kalye, sasakyan, palengke, kapilya, plaza, at iba pa. Higit sa lahat, may hanapbuhay, para hindi matuksong bumalik sa dating slums.
Giniba ng lockdowns ang halos isang milyong maliliit na negosyo. Kaya milyun-milyon din ang nawalan ng empleyo.
Leksiyon: Ganap na suportahan ang small at medium enterprises. Sila ang nagdadala ng ekonomiya, hindi ang mga higanteng kompanya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
