PINAYAGAN ng gobyerno kahit sino mag-import ng bigas, basta magbayad ng 50% taripa. Pang-irigasyon, pataba at makinarya raw ang koleksiyon. Tapos ibinaba ang taripa sa 35%. Bumaha ang imports. Doble tama sa magpapalay. Nabawasan na nga ang pantulong sa kanila, bagsak-presyo pa ang ani nila.
Dalawang taong bagsak ang benta ng manok. Sinara ng pandemya ang mga restoran at canteens sa eskuwela, factory at opisina. Umangkat ang gobyerno ng manok mula China. Nalugi ang lokal na magmamanok.
Bumagsak din ang benta ng mais na patuka sa poultry. Umangkat pa rin ang gobyerno ng murang corn feeds. Umaray ang magmamais.
Pineste ng African Swine Fever ang baboy sa Luzon mula 2019. Payo ng mga may piggery, umangkat ng 240,000 tonelada sa 30% taripa. Ang koleksiyon ay pambili ng gobyerno sa maysakit na hayop para ibaon. Pero inimport ng gobyerno ay 840,000 tonelada sa 5-10% taripa lang. Kinapos ang pondong pampuksa sa ASF. Wasak ang industriya.
Laganap ang smuggling ng gulay at prutas mula China. Mura pero tadtad sa kemikal. Nginuso ng NGOs ang bagsakan ng kontrabando. Walang ginawa ang Customs. Naipuslit pati pulang sibuyas, maski madaling ma-detect sa X-ray inspection. Tinatapon na lang ng magtatanim ang ani nila sa tabing highway kasi walang bumibili.
Handang umani ng bangus at tilapia sa palaisdaan, sapat sa pitong buwan. Pero anim na buwan umangkat ng 120,000 toneladang isda ang gobyerno mula China. Nalugi ang maliit na mangingisda at may-ari ng fishpens. Nakaw sa Philippine seas ang galunggong mula China.
Umangkat ang gobyerno ng 200,000 toneladang asukal habang umaani at naggigiling ng tubo sa Negros, Panay, Bukidnon at Luzon. Nalugi ang magtutubo; wala nang puhunan para sa susunod na taniman.
Ngayong lugmok ang domestic producers, magmamahal ang pagkain. Titiba ang importers at suhulang opisyales.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).