MAGKADUGO ang mga Pilipino at Malaysians. Galing sa Johore nu’ng 1500 si Shariff Kabunsuan, unang sultan ng Maguindanao. Nilupig ni Legaspi ang Brunei nu’ng 1565 para hindi masaklolohan ang mga kaanak na sinakop niya sa Maynila, sina Rajah Matanda, Soliman at Lakandula. Ibinigay ng Sultan ng Brunei ang Sabah nu’ng 1658 kay Sulu Sultan Bakhtiar, kaya lumaganap ang Tausug doon. Si Manuel Amalilio, Filipino-Malaysian na dumenggoy ng P12 bilyon sa 15,000 Bisaya at Moro nu’ng 2012, ay pamangkin ni Sabah state minister Musa Amin. Kamag-anak ng isang mayamang pamilya sa Kuala Lumpur ang isang angkan ng mga artista at pulitiko sa Pilipinas.
Magkatulad ang pulitikang Pilipino at Malaysian. May mga Pilipinong strategists pa nga ang mga pinunong Malaysian.
Habang prime minister ng Malaysia nu’ng 2009-2018, dinambong ni Najib Razak ang $1.1 bilyon sa banko ng gobyerno. Nagkunwari pang kontribusyon ‘yon ng isang Middle East leader. Sinakdal siya. Sa police raids sa mga bahay niya, kinumpiska ang male-maletang cash, relo at singsing. Sa koleksiyon ng asawang First Lady Rosmah Mansor ay daan-daang signature bags, alahas, korona, sapatos, scarves, fur coats at maraming kotse. Nagpayaman din ang political at business cronies nila.
Bago ‘yon, 2002, kumomisyon si noo’y defense minister Najib ng $120 milyon sa pagbili ng tatlong submarine sa France. Kaparte sana ang nobya niyang Mongolian model. Natuklasan ni Rosmah ang relasyon at sinuba ang babae. Nang magwala ang hulí sa Kuala Lumpur, pinapatay siya sa mga pulis, na umamin sa korte ng krimen.
Nu’ng Agosto sintensiyahan ng mataas na Korte si Najib ng 12 taong pagkabilanggo sa pandarambong. Minultahan ng $46.84 milyon at binawalang lumahok sa pulitika.
Umaapela si Najib sa hari na bawiin ang sentensiya at burahin ang kaso. Sumumpa siya sa publiko na kesyo inosente. Kesyo rin daw marangal ang dynasty niya bilang anak ni ikalawang Malaysia prime minister Abdul Razak. Malimit nagpapalitrato na mapagkumbabang naghuhugas ng paa bago magdasal sa mosque.
Mabola kaya ni Najib ang hari, makaiwas sa kulong at multa, mabawi ang nakaw na yaman, baguhin ang kuwento, makabalik sa pulitika, at ipuwesto ang pamilya?