NAG-HUNTING ng pato ang abogado sa kalawakan ng Bontoc. Nakabaril siya ng pato pero bumagsak ito sa bukirin sa kabila ng bakod. Habang umaakyat ang abogado sa bakod, dumating ang matandang may-ari ng bukid. “Hoy, anong ginagawa mo,” usisa ng matanda.
“Kukunin ko ang nabaril kong pato na bumagsak diyan. Bakit?”
“Lupain ko ito at hindi ka maaring pumasok.”
“Pinakamahusay akong abogado sa Baguio. Kung hindi mo ako papasukin, ihahabla kita para makuha lahat ng ari-arian mo.”
Sagot ng matanda: “Mukhang hindi mo alam ang kalakaran dito sa Bontoc. Para maayos ang simpleng pagtatalo, meron kaming alituntunin. Tatlong beses sisipain ng isang panig ang kabila, tapos siya naman ang sisipain. Magsisipaan sila nang tig-tatlong beses hanggang may sumuko. Matira ang matibay. At dahil taga-rito ako at dayo ka lang, ako ang mauunang sumipa nang tatlong beses.”
Matanda na ang kalaban kaya pumayag agad ang abogado. Sa pakiwari niya mahina na itong sumipa, at mapapasuko niya sa mas malalakas niyang sipa.
Naka-boots ang matanda. Pagsipa niya sa singit, napayuko sa sakit ang abogado. Sinundan ito ng matanda ng matinding sipa sa dibdib. Nabuwal ang abogado. At pagkabangon nito, sinipa siya uli sa puwit. Una ang mukha, sumadsad ang abogado sa malaking itim na ensaymada ng kalabaw.
Dahan-dahan, hinang-hina bumangon ang abogado at ipinahid ang mukha sa manggas ng jacket. Nanggigigil niyang sinabi, “walanghiyang matanda ka, ako naman ang sisipa sa’yo. Tuwad!”
Umatras ang matanda at nagwika, “Teka, teka, may karapatan ka nga naman pumasok dito para kunin ang pato mo. Suko na ako, talo ako sa argumento. Sige, kunin mo na ang pato mo.”
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).