TURISMO ang pinakamabisang pampaunlad ng ekonomiya. Sa bawat turista kumikita lahat mula sa mayamang may-ari ng resort at hotel, hanggang sa maliliit na empleyado at nagtitinda ng banana-que sa kanto.
Dalawang taon mula mag-pandemic lockdown panahon nang magbiyahe muli. Mahal man ang gasolina at pasahe, paganahin ang makakating paa. Ugaliin lang mag throat gargle, face mask at hugas-kamay para iwas sa sakit.
Ikutin muli ang Pilipinas. Handa ang tourist spots sa dagsa ng biyahero. Pinaganda ang mga air at sea ports, pasilidad sa resort, at kaligtasan sa bundok at dagat. Sinanay ang serbidora at nagbebenta ng souvenirs na pakibagayan ang turista.
Payo ko, makipagtawaran sa presyo ng resort at hotel. Pero ang matitipid dito ay gastahin sa maliliit na negosyante. Tangkilikin ang mga turu-turo para matikman ang lokal na pagkain. Mamakyaw ng lokal na paninda sa palengke bilang pasalubong. Bumili ng souvenirs, prutas at kakanin sa sidewalk vendors.
Ito’y para umikot ang pera sa lugar nila. Ang kinikita nila ay ipangbibili rin ng pagkain doon, materyales sa munting negosyo, at pangangailangan ng mga anak. Tulungan sila.
Dagdag pang payo: huwag na tumawad sa maliliit na manininda. Humingi na lang ng dagdag na binebenta niya. Kadalasan nakapaloob sa presyo niya ang budget sa bahay sa araw na iyon. Kumbaga, ‘yon ang kailangan niyang iuwing pera para sa pagkain, tubig, kuryente, upa at cellphone load. Kung ang paninda ay mabubulok, tulad ng pagkain, taos-puso niyang ibibigay ang dagdag. Maghihiwalay kayo mula sa transaksiyon na parehong magiliw ang pakiramdam. Buod ng turismo na makinabang ang turista at lokal.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).