HINDI lang basta ninanakaw ng China ang mga bahura at isda sa panlabas na dagat natin, o West Philippine Sea. Pati panloob na dagat natin ay pinapasok na rin ng Chinese Navy. Nu’ng Jan. 29-Feb. 1 nag-iikot sa tubig sa pagitan ng Palawan at Panay ang People’s Liberation Army-Navy electronic reconnaissance warship 792. Ginaganap doon nu’ng linggong ‘yon, Jan. 27-Feb. 2 ang joint amphibious exercises ng US Marines at Armed Forces of the Philippines. Garapalang inespiyahan ng Chinese warship 792 ang military drills. Parang nanunuya.
Hindi humingi ang PLAN 792 ng pahintulot para pumasok sa loob-dagat natin. Huminto pa doon ng dalawang araw maski wala itong emergency. Nu’ng kinompronta ng Philippine Navy patrol BRP Antonio Luna, nagsinungaling ang warship na inosenteng nakikiraan lang ito. At nu’ng pinaalis ito ng BRP Antonio Luna, pumasyal pa ito sa Cuyo Islands ng Palawan at Apo Reef ng Mindoro bago lumabas muli sa WPS.
Maaring inosenteng makiraan ang mga dayuhang barko sa dagat ng isang kapuloan tulad ng Pilipinas. Pero dapat humingi muna ng pahintulot. At dadaan lang ang barko sa takdang archipelagic sea lane. Tuwid dapat ang landas ng barko. Hindi hihinto o liliko o lalabas sa sea lane. Bawal mag-espiya, o magpalipad ng kagamitan tulad ng drones, o mag-survey at mangalap ng impormasyon. Nilabag ng Chinese electronic surveillance warship ang mga alituntuning ‘yan ng United Nations Convention on the Law of the Sea. Binastos nila ang ating bansa.
Isa’t kalahating buwan bago isinapubliko ang pamamasok. Nagtahimik ang Department of National Defense. Pero March 14 prinotesta ng Department of Foreign Affairs ang paglabag sa teritoryong dagat natin.
Ilang ulit pa kayang namamasok ang Chinese warships sa loob-dagat natin? Baka habang nagsi-swimming tayo sa Boracay, o Cebu o Bohol ay magulat na lang tayo sa dumaraang Chinese warships na armado ng missiles, kanyon at attack helicopters.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).